249 total views
Biyernes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Papa San Calixto I, martir
Efeso 1, 11-14
Salmo 32, 1-2. 4-5. 12-13
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Lucas 12, 1-7
Friday of the Twenty-eighth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Callistus, Pope and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Efeso 1, 11-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.
Kayo ma’y naging bayan ng Diyos nang kayo’y manalig sa kanya matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan – ang Mabuting Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Kaya’t ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santong ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kadakilaan!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 12-13
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kayang nilalang.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Salmo 32, 22
Aleluya! Aleluya!
Diyos na maaasahan,
kami’y iyong kaawaan,
kalingain at damayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 1-7
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang libu-libong tao, anupat nagkakatapakan sila, nagsalita muna si Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo – ito’y ang pagpapaimbabaw. Walang natatago na di malalantad, at walang nalilihim na di mabubunyag. Anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa mga silid ay ipagsisigawan.
“Sinabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, at pagkatapos ay wala nang magagawa pa. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay ay may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!
Hindi ba ipinagbibili sa halagang dalawang pera lamang ang limang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi pinababayaan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Ama sa Langit nang may ganap na tiwala, upang maging malaya sa lahat ng nakapaparalisang takot at magkaroon tayo ng tapang na itatag ang kanyang Kaharian.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagmahal na Ama, tanggalin mo ang aming mga takot.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y hindi panghinaan ng loob sa mga hamon ng pagbabago at maging lalong masigasig at maalab sa paghahatid ng pagbabago at pagbabalik-loob sa lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga inuusig dahil sa kanilang paniniwala kay Jesu-Kristo nawa’y mapalakas at mapanatili sa kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong mga Kristiyano nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa ating pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok at pagkabahala, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa buhay na ito, lalo na ang mga maysakit, nawa’y makaranas ng mapagpagaling na kalinga ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y umani ng gantimpala sa kanilang pagpapagal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng lahat ng oras at panahon, bigyan mo kami ng tapang at lakas upang magsumikap kami sa paggawa ng mabuti. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.