1,959 total views
Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14a. 36-41
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
1 Pedro 2, 20b-25
Juan 10, 1-10
Third Sunday of Easter (White)
Good Shepherd Sunday
World Day of Prayer for Vocations
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 14a. 36-41
Pagbasa mula sa mga Gawa ng Mga Apostol
Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita siya nang malakas, “Dapat malaman ng buong Israel na itong si Hesus na ipinako ninyo sa krus – siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!”
Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, at tinanong nila si Pedro at ang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo’y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako’y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo – sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos.”
Marami pa siyang inilahad upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Lumayo kayo sa masamang lahing ito upang kayo’y maligtas.” Kaya’t ang mga naniwala sa kanyang sinabi ay nagpabinyag; at nadagdag sa kanila ang may tatlunlibong tao nang araw na iyon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
o kaya: Aleluya.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 2, 20b-25
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal ko:
Pagpapalain kayo ng Diyos kung kayo’y maparusahan sa paggawa ng mabuti. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumagawa ng anumang kasalanan o nagsinungaling kailanman. Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti. Nang siya’y pahirapan, hindi siya nagbanta. Nanalig siya sa Diyos na makatarungan. Sa kanyang pagkamatay sa krus, dinala niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo’y gumaling sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 10, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”
Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Kailanma’y hindi pinababayaan ng Mabuting Pastol na si Hesus ang kanyang kawan. Sa lahat ng panahon, nanawagan siya sa mga bukas-palad upang maging nakikitang kasangkapan ng kanyang pagmamahal. Manalangin tayo ngayon sa isang natatanging paraan para sa lahat ng kumakatawan kay Hesus dito sa atin at para sa mga tinawag niyang tumupad sa ganitong tungkulin. Manalangin tayo:
Hesus na Mabuting Pastol, dinggin mo kami!
Para sa buong Simbahan: Nawa magkaroon siya ng maraming mabubuting pari at mga relihiyosong makagaganyak sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa at pag-gabay sa kanila sa kabanalan. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at mga pari: Sila nawa’y maging malinaw na palatandaan ng pagpapasiyensiya, malasakit, at pagmamahal. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga magulang, guro, at pinunong pambayan: Maging tapat nawa sila sa kanilang misyong magtaguyod sa kabutihan ng mga taong nasa kanilang pangangalaga. Manalangin tayo!
Para sa ating kabataang tinatawagan ng Diyos para maglingkod sa Simbahan: Nawa maliksi sana silang tumugon at magsikap na maging tapat sa kanilang bokasyon. Manalangin tayo!
Para sa mga tagapagtaguyod ng mga bokasyon at naglilingkod sa mga bahay-sanayan: Nawa ang kanilang mga pagsisikap at panalangin ay magbunga ng mga katulong na pastol na kailangan ng Simbahan. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, magsugo ka ng marami’t banal na mga pari at relihiyoso upang maging pastol ng Simbahang iyong kawan. Sa pagtulad sa iyo, ang Mabuting Pastol, sila nawa’y makapagpatuloy ng iyong gawain ng pagmamahal at habag at mag-akay sa amin sa kabanalan. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!