249 total views
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 17, 8-13
Salmo 120, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
2 Timoteo 3, 14 – 4, 2
Lucas 18, 1-8
Twenty-ninth Sunday in Ordinary Time (Green)
Sunday for Cultures
UNANG PAGBASA
Exodo 17, 8-13
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita’y nasa Refidim at sinalakay sila ng mga Amalecita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalecita. Tatangnan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at ako’y tatayo sa ibabaw ng burol.” Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalecita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalecita. Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. Dahil doo’y nalupig ni Josue ang mga Amalecita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 120, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
Sa gawi ng bundok, tumitingin ako,
saan manggagaling ang aking saklolo?
Ang hangad kong tulong, sa Diyos magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at lupa.
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
Huwag sana akong bayaang mabuwal,
handang lagi siya sa pagsasanggalang.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel
hindi natutulog at palaging gising.
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
Ang D’yos na Panginoon, siyang magbabantay,
laging nasa piling upang magsanggalang.
Di ka magdaramdam sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
Sa mga panganib, ika’y ililigtas
nitong Panginoon, siyang mag-iingat.
Saanman naroon, ika’y iingatan,
di ka maaano kahit na kailan.
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 3, 14 – 4, 2
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal ko, huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo. Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo Hesus. Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Inuutusan kita sa ngalan ng Diyos at ni Kristo Hesus na hahatol sa mga buhay at mga patay: alang-alang sa kanyang pagparito at paghahari, ipangaral mo ang Salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 18, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus ang isang talinghaga upang ituro sa mga alagad na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa. “Sa isang lungsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: “Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya.” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Alinsunod sa halimbawa ni Moises at ng matiyagang balo, buong pananalig nating idulog sa Panginoon ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Manalangin tayo:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa Simbahan, ang panlahat na sakramento ng kaligtasan: Sa pamamagitan ng kanyang liturhiya at panalangin ng mga kasapi, magtamo nawa siya ng ibayong biyaya para sa sangkatauhan. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng mga pinuno ng Simbahan: Nawa, magpatuloy sila sa pamamatnubay nang buong tapang, kababaang-loob, at pananalig sa tulong ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng nagsisikap para sa katarungan at kapayapaan sa ating bayan at sa iba pang bahagi ng mundo: Nawa makatagpo sila sa mga pamayanang Kristiyano ng nararapat na tulong. Manalangin tayo!
Para sa mga pinunong pambayan at panghukbo, na kinasasalalayan ng kinabukasan ng mga bansa: Nawa, umiwas sila sa karahasan at magpasiya para sa kabutihan ng sangkatauhan. Manalangin tayo!
Para sa pagpapahalaga sa ating Kulturang Pilipino: Nawa, itaguyod at pagyamanin pa natin ang mga kaugalian at mga tradisyon na naaayon sa turo ng ating pananampalataya. Manalangin tayo!
Para sa ating natitipon dito at lahat ng mahal natin: Magsikap nawa tayo sa pagdarasal at manalig, hindi sa sarili, kundi sa masaganang habag at pag-ibig ng Diyos. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumahimik sandali.) Manalangin tayo!
Panginoon, tanggapin Mo po kami ngayon kahit na kami’y di karapat-dapat. Tulutan Mong kami’y magpakumbaba at manalangin para sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!