2,109 total views
Lunes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 11, 32-40
Salmo 30, 20. 21. 22. 23. 24
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Marcos 5, 1-20
Monday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 32-40
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para isalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barac, Samson, Jefte, David, Samuel, at sa mga propeta. Dahil sa pananalig nila sa Diyos, nakalupig sila ng mga kaharian, gumawa ng matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Nagpatikom sila ng bunganga ng mga leon, pumatay ng nagngangalit na apoy, at naligtas sa tabak. Sila’y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, anupa’t napaurong ang hukbo ng dayuhan. Dahil sa pananalig sa Diyos, ibinalik sa mga babae ang kanilang mga patay matapos buhaying muli.
May mga tumangging palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. Mayroon namang nilibak at hinagupit, at mayroon ding nabilanggong gapos ng tanikala. Sila’y pinagbabato, nilagari nang pahati, pinatay sa tabak. Mga balat ng tupa at kambing ang dinaramit nila. Sila’y mga nagdarahop, aping-api, at pinagmamalupitan. Hindi marapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa lungga at mga yungib sa lupa.
At dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, isang kasaysayang di-malilimot kailanman ang kanilang iniwan. Ngunit ang pangako ng Diyos ay hindi natupad sa kanilang kapanahunan sapagkat may lalong mabuting panukala ang Diyos para sa atin – ang tayo’y makasama nila kapag tinupad na niya ang kanyang pangako.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 20. 21. 22. 23. 24
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Poon, ang pagpapala mo’y ‘yong ilaan
sa mga anak mong may takot na taglay;
kagilas-gilas malasin ninuman,
ang pagkalinga mo sa mga hinirang
na nangagtiwala sa iyong pagmamahal.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Iyong kinalinga at iningatan mo
laban sa adhika ng masamang tao;
dinala sa ligtas na dakong kublihan,
upang di hamakin ng mga kaaway.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Purihin ang Poon, sa kanyang pag-ibig
na dulot sa akin nang ako’y magipit.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Ako ay natakot, labis na nangamba
sa pag-aakalang itinakwil mo na;
ngunit dininig mo yaong aking taghoy,
nang ako’y humingi sa iyo ng tulong.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Mahalin ang Poon ng mga hinirang;
ng lahat ng tapat na mga nilalang,
ang tapat sa kanya ay iniingatan,
ngunit ang palalo’y pinarurusahan.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 30-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik kay Hesus ang mga apostol at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Napakaraming taong dumarating at umaalis, anupat hindi na makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kaya’t sinabi niya sa mga ito, “Magtungo tayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sa isang ilang na dako.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y patakbong tumungo sa dakong pupuntahan nina Hesus at nauna pang dumating doon kaysa kanila. Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Mulat sa pangangailangang lumaya sa mga hamon ng buhay upang mapatatag at mapanumbalik ang ating diwa at kalooban, lumalapit tayo sa Ama sa mapagkumbabang pananalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Pastulan Mo ang iyong bayan, O Panginoon.
Ang mga namumuno sa Simbahan nawa’y panatilihin nilang buhay ang kanilang pagtatalaga sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nabibigatan sa mga pasanin sa buhay nawa’y “lumikas” at “mamahinga,” upang makatagpo ng kapayapaan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tumalikod sa kanilang pananampalataya nawa’y muling maakay pabalik sa pamilya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makakita ng kagalingan sa kanilang karamdaman sa pamamagitan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y mamalagi sa tahanan ng Panginoon magpasawalang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, tinawag mo kami upang iyong makasama. Maging tapat nawa kami sa pagsunod sa iyong Anak sa aming paglalakbay patungo sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.