2,743 total views
Lunes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Daniel 9, 4b-10
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Lucas 6, 36-38
Monday of the Second Week in Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Daniel 9, 4b-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Panginoon, dakila at Makapangyarihang Diyos na laging tapat sa umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga utos. Nagkasala po kami. Nagpakasama kami at sumuway sa iyong mga tuntunin at kautusan. Hindi kami nakinig sa iyong mga propeta na nagpahayag sa aming mga hari, tagapamuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon, ikaw ay laging nasa matuwid at kami ay laging nasa kasamaan tulad ngayon: ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, ang lahat pati mga itinapon mo sa iba’t ibang dako dahil sa kataksilan sa iyo. Kami po, ang aming mga hari, pinuno at ang aming mga magulang ay laging nagkakasala sa iyo. Ikaw, Panginoon, ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming pagsalansang at pagsuway sa mga utos na ibinigay mo sa amin na iyong mga alipin sa pamamagitan ng iyong mga propeta.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
Kaming iyong lingkod,
lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan!
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:
Juan 6, 63k. 68k
Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.
MABUTING BALITA
Lucas 6, 36-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama. Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Lunes
Manalangin tayo sa Diyos na mabait at mahabagin, nagpapagaling at nagpapatawad ng lahat ng ating kasalanan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoong mahabagin, padaluyin Mo ang Iyong pag-ibig sa amin.
Ang Simbahan nawa’y magpatupad ng kanyang tungkuling magpagaling at magpatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y magpakita ng kalinga at malasakit para sa mga dukha at api, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang makita ang ating sariling mga pagkakamali at iwasang humusga sa mga pagkakamali ng iba, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nangungulila at may kapansanan nawa’y makatagpo ng lakas at kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang yumaong mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan nawa’y makatagpo ng kapanatagan at kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Maawaing Ama, ang mga panalangin at kahilingang idinudulog namin sa iyo ay nagpapahayag ng aming mga pangangailangan at pag-asa. Hinihiling namin ang mga ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.