2,386 total views
Lunes ng Ika-6 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 4, 1-15, 25
Salmo 49, 1 at 8. 16bk-17. 20-21
Sa D’yos tayo ay maghandog,
pasalamat na malugod.
Marcos 8, 11-13
Monday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 4, 1-15, 25
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito’y nagdalantao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ng Panginoon.” Kaya Cain ang ipinangalan niya rito. Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay magsasaka. Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog sa Panginoon ng ani niya sa bukid. Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Ang Panginoon ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. Kaya, sinabi ng Panginoon: “Anong ikagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang masaya. Kung masama naman, ang kasalana’y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lupigin ka at pagharian. Kailangang pagtagumpayan mo ito.”
Isang araw, nilapitan ni Cain ang kanyang kapatid, Wika niya, “Abel, mamasyal tayo.” Sumama, naman ito, ngunit pagdating sa kabukira’y pinatay niya ito.
Tinanong ng Panginoon si Cain, “Nasaan si Abel?”
“Hindi ko alam,” tugon niya. “Bakit ako ba’y tagapag-alaga ng aking kapatid?”
At sinabi ng Panginoon, “Cain, nakapangingilabot ang ginawa mo. Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng paghihiganti. Susumpain ka’t palalayasin sa lupaing ito, lupang natigmak sa dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. Bungkalin mo man ang lupang ito upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matatahanan at magiging lagalag ka sa daigdig.”
“Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain sa Panginoon. “Ngayong pinalalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakikita sa akin.”
“Hindi,” sagot ng Panginoon. “Parurusahan ng putong ibayo ang sinumang papatay kay Cain.” At nilagyan niya ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito’y di dapat patayin.
Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito’y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina: “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel”; at ito’y tinawag niyang Set.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 1 at 8. 16bk-17. 20-21
Sa D’yos tayo ay maghandog,
pasalamat na malugod.
Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog.
Sa D’yos tayo ay maghandog,
pasalamat na malugod.
Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.
Sa D’yos tayo ay maghandog,
pasalamat na malugod.
Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila’y nasisilip.
Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Sa D’yos tayo ay maghandog,
pasalamat na malugod.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 11-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya hiningi nila na magpakita si Hesus ng isang tanda mula sa langit. Napabuntong-hininga nang malalim si Hesus at ang wika, “Bakit naghahanap ng tanda ang lahing ito? Sinasabi ko sa inyo: hindi sila pagpapakitaan ng anumang tanda.” Iniwan niya sila, at pagkasakay sa bangka ay tumawid sa ibayo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Bumaling tayo sa Diyos Ama sa panalangin para sa biyaya na makapagbagumbuhay at matatag na maniwala sa panawagan ni Kristo sa pagbabalik-loob.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng kaligtasan, maging bukas nawa kami sa Iyo.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y walang kapagurang maging tagapaghatid ng mensahe ng Diyos ng pagsisisi sa mga taong may tunay na pusong naghahanap sa Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang mga makasalanan nawa’y mas malalim nating maunawaan ang pag-ibig at awa ng Diyos para sa lahat ng nagbabalik-loob sa kanya nang may kababaang-loob at nagsisising puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magkaroon ng malalim at tunay na pananampalataya sa Diyos na hindi naikakahon sa mga panlabas na anyo ng ating pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaunawa sa walang patid na pag-ibig ng Diyos sa gitna ng kanilang mga dinaranas na pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
O Panginoon, gabayan mo ang lahat ng araw ng aming masalimuot na buhay. Bigyan mo kami ng kaligtasan at banal na kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.