2,716 total views
Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Cirilo ng Alejandria, obispo at pantas ng Simbahan
Genesis 13, 2. 5-18
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Mateo 7, 6. 12-14
Tuesday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Cyril of Alexandria, Bishop and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 13, 2. 5-18
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Mayaman na noon si Abram; marami na ang kanyang mga tupa, kambing, baka, at marami na rin siyang natipong ginto at pilak.
Si Lot, na laging kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling sambahayan at mga tauhan. Hindi sapat ang pastulan para sa mga kawan nilang dalawa, sapagkat napakarami na nilang hayop. Dahil dito, madalas mag-away ang kanilang mga tagapag-alaga. Noon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa dakong iyon.
Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi dapat mag-away ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. Ang mabuti’y maghiwalay tayo. Piliin mo ang dakong gusto mo, at doon ako sa kabila.”
Iginala ni Lot ang kanyang paningin at nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ng Panginoon at ng lupain ng Egipto. Noo’y hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. Nanatili si Abram sa Canaan, samantalang si Lot ay namayan sa mga lungsod sa kapatagang malapit sa Sodoma. Sa lugar na ito’y napakasama ng mga mamamayan; namumuhay sila nang laban sa Panginoon.
Pagkaalis ni Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. Ang lahat ng lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, sa iyong anak at sa magiging anak niya. Walang makaaagaw niyan sa iyo. Ang iyong mga inapo ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa. Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iya’y ibibigay ko sa iyo.” Lumipat nga si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng puno ng roble sa Mamre. Nagtayo siya roon ng dambana para sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 6. 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong ibigay sa aso ang bagay na banal, sapagkat kayo’y babalingan at lalapain nila pagkatapos. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.
“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.
“Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwag ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Ipinapangako sa atin ni Kristo na naghahatid sa buhay ang makipot na pintuan. Lumapit tayo sa Amang nasa Langit sa pamamagitan nang may pagtitiwala at pananalig na panalanging itinuro sa atin ng Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, buksan mo sa amin ang pinto ng biyaya.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y gabayan ang kawang sumasampalataya sa pintuan na naghahatid sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang komunidad, nawa’y ituring natin ang bawat isa nang may paggalang, pang-unawa, at pagmamahal, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng mahabaging pakikitungo sa ating kapwa nawa’y maisagawa natin ang kalooban ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at yaong mga nagdurusa sa iba’t ibang uri ng karamdaman nawa’y makatagpo ng lakas at kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y buhaying muli ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Amang nasa Langit, likhain mo sa amin ang tunay na puso upang aming igalang at mahalin ang aming kapwa tulad ng pagtatangi mo sa kanila. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.