1,998 total views
Miyerkules sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 8, 1b-8
Salmo 65, 1-3a. 4-5. 6-7a.
Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.
Juan 6, 35-40
Wednesday of the Third Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 8, 1b-8
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Nagsimula nang araw na iyon ang isang mahigpit na pag-uusig laban sa Simbahan sa Jerusalem. At liban sa mga apostol, lahat ng sumasampalataya ay nangalat sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama’y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos, at gayun na lamang ang kanilang panangis.
Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang Simbahan: pinapasok niya ang bahay-bahay at kinakaladkad ang mga sumasampalataya at ibinibilanggo, maging lalaki’t maging babae.
Nangalat ang mga mananampalataya, at saanman sila makarating ay ipinangangaral nila ang Salita. Nagpunta si Felipe sa isang lungsod ng Samaria at ipinangaral doon ang Mesiyas. Nang mabalitaan ng mga tao at makita ang mga kababalaghang ginagawa niya, pinakinggan nilang mabuti ang sinasabi niya. Sapagkat ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong inaalihan nito at sumisigaw habang lumalabas; maraming lumpo at mga pilay ang napagaling. Kaya’t nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 65, 1-3a. 4-5. 6-7a
Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.
o kaya: Aleluya!
Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”
Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.
Ang lahat sa lupa ika’y sinasamba
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala’y pinupuri nila.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.
Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,
at ang nuno natin ay doon tumawid;
kaya naman tayo’y nagalak nang labis.
Siya’y naghaharing may lakas ang bisig.
Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.
ALELUYA
Juan 6, 40
Aleluya! Aleluya!
Mabubuhay na totoo
ang lahat ng mga tao
na nananalig kay Kristo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 35-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
“Ngunit sinabi ko na sa inyo: nakita na ninyo ako, gayunma’y hindi kayo nananalig sa akin. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinibigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Taglay ang pagtitiwala sa pagiging bukas-loob ng Diyos Ama na naghandog sa atin ng kanyang Anak sa Eukaristiya bilang pagkain para sa ating kaluluwa, ilapit natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain Mo kami sa Eukaristiya.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpatotoo kay Jesus na siyang Tinapay ng Buhay sa mundong nagugutom sa kahulugan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y aktibong makisangkot sa paghahanap ng mga katugunan sa mga pangangailangan at kapakanan ng ating mahihirap na kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aakalang hindi nila kailangan ang Diyos sa kanilang buhay nawa’y maakit na tumanggap ng Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maranasan ang mapagmahal na presensya ni Kristo sa kanilang pagtanggap ng Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong tumanggap ng Tinapay ng Buhay nawa’y magkamit ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, gawin mo kaming tapat na nagpapasalamat para sa handog mong Eukaristiya na siyang nagbibigay ng pag-asa at kahulugan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.