33 total views
Kapistahan ni Apostol San Matias
Mga Gawa 1, 15-17. 20-26
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Hinirang ng D’yos ay dinangal
sa piling ng mga banal.
Juan 15, 9-17
Feast of Saint Matthias, Apostle (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 1, 15-17. 20-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagkatipon ang may sandaa’t dalawampung kapatid. Tumindig sa harapan nila si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, kailangang matupad ang nasasaad sa Kasulatan na sinabi ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Hesus. Dati, kabilang siya sa amin at kasama sa paglilingkod.
“Ngayon, nasusulat sa Aklat ng mga Awit, ‘Ang tirahan niya’y tuluyang layuan, at huwag nang tirhan ninuman. ‘Nasusulat din, ‘Gampanan ng iba ang kanyang tungkulin.’
“Kaya dapat tayong pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Hesus. Kailangang ito’y isa sa mga kasama-sama namin sa buong panahong nakipamuhay sa atin ang Panginoong Hesus, mula nang binyagan siya ni Juan hanggang sa iakyat sa langit.” Pumili sila ng dalawang lalaki: Si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas at tinagurian ding Justo. At sila’y nanalangin: “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakilala po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang iyong hinirang upang maging apostol na gaganap sa tungkuling tinalikdan ni Judas nang siya’y tumungo sa lugar na marapat sa kanya.” Nagpalabunutan sila, at si Matias ang nakuha; siya ang nadagdag sa labing-isang apostol.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Hinirang ng D’yos ay dinangal
sa piling ng mga banal.
o kaya: Aleluya!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.
Hinirang ng D’yos ay dinangal
sa piling ng mga banal.
Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
Hinirang ng D’yos ay dinangal
sa piling ng mga banal.
Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Hinirang ng D’yos ay dinangal
sa piling ng mga banal.
Mula sa alabok ang mga mahirap,
sa pagkalugami ay itinataas.
Sa mga prinsipe ay isinama,
nagiging prinsipe ang mga lingkod n’ya.
Hinirang ng D’yos ay dinangal
sa piling ng mga banal.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayun, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 14
San Matias, Apostol
Pinili ng Diyos si Matias upang maging isang Apostol, isang saksi sa Muling Pagkabuhay. Idalangin natin na matupad ang kalooban ng Ama sa mundo, sa lahat ng lugar at lahat ng gawain.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Palakasin Mo kami, O Panginoon.
Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y patnubayan ng Espiritu ng karunungan lalo na sa kanilang paglilingkod bilang mga pastol ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maykapangyarihan nawa’y maging masigasig sa pagtupad ng kanilang pangakong tutulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang bokasyon ng papapari at pagiging relihiyoso sa ating pamayanan at pamilya nawa’y dumami, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lalaki at babaeng nagtalaga ng kanilang sarili sa Diyos nawa’y magkaroon ng tunay na diwa ni Jesus na nakipamuhay sa ating upang maglingkod at hindi ang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y makita ang pagliligtas ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos naming makapangyarihan, pinili kami ng iyong Anak at nagbunga ito sa aming mga buhay. Ipagkaloob mo ang mga kahilingang inilalapit namin sa tulong ni San Matias sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.