2,004 total views
Paggunita kay Santo Tomas de Aquino,
pari at pantas ng Simbahan
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Marcos 4, 35-41
Memorial of St. Thomas Aquinas, Priest and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y naninirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila’y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayun na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang naaalaala nila’y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon. Ngunit ang hinahangad nila’y isang lungsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya’t hindi ikinahiya ng Diyos na siya’y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac, At sa patalinhagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
Mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan kaya’t
Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sinusunod maging ng hangin at alon ang Anak ng Diyos. Mulat sa katotohanang ito, manalangin tayo nang may pagtitiwala para sa kapayapaan sa napakagulong daigdig.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, paghupain Mo ang mga unos sa aming buhay.
Ang ating Simbahan nawa’y gabayan ng Panginoon lalo na sa malalaking alon ng pagsubok na nagbabantang sumakop dito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga nagkakagulong bansa nawa’y walang hinawang maglingkod para sa kapayapaan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mandaragat, namamalakaya, at lahat nang may kabuhayan sa karagatan nawa’y mapanatili sila sa kaligtasan sa pamamagitan ni Maria, ang tala ng karagatan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may kapansanan at yaong mga may pabalik-balik na karamdaman nawa’y makatagpo ng kapayapaan sa mapagpagaling na kapangyarihan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maranasan nila ang walang hanggang kapayapaan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, gawin nawa kaming dalisay ng mga pagsubok at kaguluhan na dulot ng unos sa aming buhay at magdulot nawa ito ng kapayapaan sa aming kaluluwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.