2,358 total views
Sabado ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Pahayag 22, 1-7
Salmo 94, 1-2. 3-5. 6-7
Marana tha! Dumating Ka!
Poong Hesus, halika na!
Lucas 21, 34-36
Saturday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Pahayag 22, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Ako’y si Juan. Ipinakita sa akin ng anghel ng Panginoon ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nitong sinlinaw ng kristal ay bumubukal sa trono ng Diyos at ng Kordero at umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito’y iba-iba bawat buwan, at nakalulunas sa sakit ng mga bansa ang mga dahon nito. Walang masusumpungan doon na anumang sinumpa ng Diyos.
Matatagpuan sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod, at masusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo’y walang gabi, at hindi na sila mangangailangan ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, pagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman.
At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoong Diyos, na nagkaloob ng kanyang Espiritu sa mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”
“Makinig kayo!” wika ni Hesus. “Darating na ako! Mapalad ang tumutupad sa mga hulang nilalaman ng aklat na ito!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 3-5. 6-7
Marana tha! Dumating Ka!
Poong Hesus, halika na!
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
Siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Marana tha! Dumating Ka!
Poong Hesus, halika na!
Sapagkat ang Diyos,
ay ang Panginoong napakadakila,
ang dakilang Haring
higit sa sinuman na binabathala.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
Marana tha! Dumating Ka!
Poong Hesus, halika na!
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Marana tha! Dumating Ka!
Poong Hesus, halika na!
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Manalangin tayo sa Diyos Ama para tulungan tayong maghanda sa pagdating ng ating Panginoon sa ating daigdig at sa ating buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pangalagaan mo kami sa iyong pag-ibig.
Ang Simbahan nawa’y huwag magkulang na paalalahanan ang mga sumasampalataya ukol sa pangangailangan sa pagiging aktibong pagbabantay at bilang paghahanda sa pagbabalik ng Panginoon na may pananalangin at paggawa ng kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang pamayanan nawa’y hindi natin makaligtaang malaman ang pagdating ni Kristo sa pamamagitan ng mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magpakita ng habag sa mga dumaranas ng pagdurusa sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y madama ang mapagpagaling na presensya ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y matagpuan si Kristo sa kanilang makalangit na paglalakbay, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, bigyan mo kami ng bagong pangarap habang aming hinihintay nang may masayang pag-asa ang pagdating ng iyong Anak na si Jesu-Kristo. Amen.