504 total views
Kinundina ni Sr. Mary John Mananzan, O.S.B. – St. Scholastica’s College Institute of Women’s Studies (IWS) Director ang patuloy na red tagging ng ilang mga opisyal ng pamahalaan laban sa mga nagpapahayag ng kritisismo sa pamahalaan.
Ayon sa Madre, hindi katanggap-tanggap ang pagbabanta na paraan ng red tagging kung saan higit na nalalantad sa kapahamakan at karahasan ang tinataguriang kabilang sa mga komunistang grupo.
Ipinaliwanag ni Sr. Mananzan na ang red-tagging ay naglalagay sa kapahamakan sa mga inaakusahan ng pamahalaan tulad na lamang ng human rights worker na si Zara Alvarez na pinaslang sa Bacolod City.
“Ang tingin ko it does not sounding like, it is a threat kasi kung sinabing ang red ngayon ang the most dangerous in the country edi pwede mong patayin at saka hindi lang yan nakikita mo naman may pinatay na sila Zara [Alvarez], so ibig sabihin nun kapag ni-red tag ka gusto nilang sabihin ‘pwede ka ng targetin, pwede ka ng patayin’…“ pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radio Veritas.
Nagpahayag rin ng pangamba ang Madre na bagamat hindi pa ganap na ipinatutupad ang kontrobersyal na Anti-Terrorist Law ay patuloy pa rin ang pamahalaan sa red-tagging ng mga kritiko ng administrasyon.
Nangangamba si Sr. Mananzan na maaring magdulot ng higit na panganib para sa mga kritiko ng administrasyon ang implementasyon ng Anti-Terrorist Law sa bansa.
“Ang nakakainis dyan hindi pa naiimplement yung Anti-Terrorist Law ay ginagawa na nila, lalo pa kung iimplement na nila diba they just pass the Implementing Rules and Regulation ibig sabihin go na sila. Everybody who says a word against the government or criticizing something that are really supposed to be criticized ay terrorist ka na talaga…”Dagdag pa ni Sr. Mananzan.
Pinuna rin ng Madre ang kabalintunaan ng paraan ng pakikitungo ng administrasyong Duterte sa mga komunista sa bansa na tinagurian ng pamahalaan na mga terorista kumpara sa bansang China na isang komunistang bansa na kinakaibigan ng kasalukuyang administrasyon.
Mariing din kinundina ng iba’t-ibang sektor ang red-tagging ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)sa mga kilalang nagpapahayag ng kritisismo sa pamamahala ng bansa sa Coronavirus Disease 2019.