304 total views
Naghatid ng iba’t-ibang milagro ang pagdating ng relic ni Apo Roque sa isang simbahan sa Sampaloc, Manila.
Ayon kay Rev. Fr. Nilo Mangussad, Kura Paroko ng San Roque Parish Church, maraming buhay ang nabago kabilang na ang mga parokyano na gumaling mula sa malubhang karamdaman buhat nang dumating sa kanilang parokya ang First Class Relic o bahagi ng buto ni San Roque.
“Yung unang milagro n’ya nakita namin ang pagkakaisa ng bawat isa maski yung hindi gaanong nakiki-cooperate dito sa parokya ay nagsisimula nang sumanib. Tapos yung mga gastusin na hindi naman kami nagkakaroon ng sponsors at benefactors ay nagkakaroon kami ng pagkakataon na mabayaran. Higit sa lahat yung mga maysakit at may problema sa buhay tuwing lumalapit sa amin ay sinasabing magaling na sya, magaling na ang pakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya,” kuwento ni Fr. Mangussad.
Dumating sa San Roque Parish Church noong ika-18 ng Hulyo ang relikya ng Mahal na Patron, kulang isang buwan bago ipagdiwang ng simbahan ang ika-30 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Samantala naniniwala rin si Fr. Mangussad na ang pag-iibigan at pagkakaisa ng buong sambayanan ang mensahe na nais iparating ni San Roque sa bawat mananampalataya sa kasalukuyang panahon.
Sinasabing permanente nang mananahan sa nasabing parokya ang relikya ni San Roque na mula pa sa Cebu.
Sa Simbahang Katolika, itinuturing si San Roque bilang patron ng mga nagdurusa at nanganganib sa salot.