376 total views
Pangangalaga sa likas na yaman at pagsusulong ng kamalayang pang-espirituwal ang tututukan ngayon taon ng pamahalaang Lungsod ng San Juan sa paggunita ng taunang Wattah Wattah Festival na kilala rin bilang Basaan Festival.
Ang Basaan Festival ay ang tradisyunal na paraan ng paggunita sa kapistahan ng lungsod sa kaarawan ng Patron ng siyudad na si St. John the Baptist o San Juan Bautista.
Sa mga nakalipas na taon naging tradisyon na ng mga residente ng siyudad na magbasaan o magsabuyan ng tubig na bahagi ng pagbabalik tanaw sa act of baptism o sakramento ng pagbibinyag.
Gayunpaman, dahil sa nagaganap na malawakang water crisis ay napagdesisyunan ng pamahalaang lungsod ng San Juan na mas tutukan sa pagdiriwang ngayong taon ang pang-espiritwal na aspekto at pagsasagawa ng mga conservation effort upang mas maimulat sa mamamayan ang pagpapahalaga sa mga likas na yaman.
Pagbabahagi ni San Juan Mayor Guia Guanzon Gomez, bilang paggunita na rin sa ika-16 na taon ng Wattah Wattah o Basaan Festival ay lilimitahan ng pamahalaang lungsod sa 16 na fire trucks ang makikibahagi sa tradisyunal na basaan kung saan ang ibang truck ng bombero ay magrarasyon ng tubig sa mga barangay na apektado pa rin ng kakulangan ng supply ng tubig.
“Less na yung mga trucks na dati-dati ay umaabot sa 25-trucks ang nagbabasa, ngayon we have limited ito to 16-trucks and the rest maybe about 15-trucks will be magbibigay ng tubig, rationing of water and Manila Water has also committed that they are going to ration potable water”. pahayag ni Mayor Gomez sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang diin naman ng opisyal ang kahalagahan na maimulat sa mamamayan ang tunay na diwa ng kapistahan ng siyudad at hindi lamang sa kasiyahan at mga aktibidad.
Ipinaliwanag ng Alkalde na mahalagang makilala ng mamamayan ang patron ng lungsod na si San Juan Bautista upang maging huwaran ng kababaang loob at lubos na pagmamahal sa Panginoon ng higit pa sa anumang materyal na bagay at sa kanyang sarili.
Nagsimula ang selebrasyon ng Wattah Wattah Festival noong ika-7 ng Hunyo sa pamamagitan ng pakikibahagi ng siyudad sa paggunita ng World Environment Day.
Matatandaang Marso ng makaranas ng kakulangan sa supply ng tubig ang malaking bahagi ng Metro Manila kung saan aabot sa 52-libong kabahayan ang nawalan ng tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa La Mesa Dam na pinakamababa sa loob ng 12-taon.
Si San Juan Bautista ang sugo ng Diyos na tagapagpakilala ng manunubos nang kanyang binyagan sa ilog ng Jordan ang pinsan niyang si Hesus.