25,664 total views
Nanawagan si House Assistant Minority Leader at Eastern Samar Rep. Christopher Sheen Gonzales ng imbestigasyon hinggil sa malawakang pagmimina ng nikel at kromo sa Homonhon Island na nagdudulot ng matinding pinsala sa kalikasan at sa pamumuhay ng mga tao sa isla.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 234, nanawagan si Gonzales sa mga komite ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon para tiyakin ang wastong pamamahala sa likas-yaman, pangangalaga sa karapatan ng mga residente, at pagpapanatili ng kasaysayan at kalikasan ng Homonhon.
Babala ng mambabatas na ang walang habas na pagmimina ay nagdudulot ng pagkakalbo ng kagubatan, pagkasira ng lupa, polusyon sa tubig, at pagkawala ng mga hayop at ibon tulad ng Philippine cockatoo.
Apektado rin ayon sa mambabatas ang kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan na umaasa sa pangingisda at pagsasaka.
Nilalayon ng imbestigasyon na suriin ang lawak ng pinsala, epekto sa kalusugan at kabuhayan, pagsunod sa batas, at kung paano napapakinabangan ng mga komunidad ang kita mula sa pagmimina.
Ayon kay Gonzales, dapat ding pakinggan ang boses ng mga residente, environmental groups, at simbahan upang matiyak na ang pagmimina ay makabubuti at hindi nakasisira.
“The voices of Homonhon residents, environmental advocates, and church leaders must be heard. Congress has a duty to ensure that mining operations are lawful, sustainable, and beneficial to the people—not destructive,” diin pa ni Gonzales.
Marso ng kasalukuyang taon, nang muling nanawagan si Bishop Crispin Varquez ng Diocese of Borongan sa pambansang pamahalaan na wakasan na ang pagmimina sa makasaysayang isla ng Homonhon sa Guiuan, Eastern Samar.
Ang Homonhon ay may lawak na 105 kilometro kuwadrado at tahanan ng humigit-kumulang 15,000 katao mula sa walong barangay. Kilala rin ito bilang unang lugar na dumaong si Ferdinand Magellan noong 1521.
Ang panawagan ni Gonzales ay kasabay ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12253 o Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act na magpapataw ng mas malinaw at patas na buwis sa malalaking pagmimina. Tinatayang makadadagdag ito ng ₱6.26 bilyon sa kita ng pamahalaan bawat taon.






