175 total views
Opisyal ng hindi kabilang sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Vice President Leni Robredo kasunod ng pagtanggap ng Pangulo sa resignation nito bilang Chairperson ng Housing And Urban Development Coordinating Council o HUDCC.
Kaugnay nito, bago ang Cabinet Meeting kahapon, isinumite na ng panig ni Vice President Robredo sa Office of the Executive Secretary ang kanyang Resignation Letter sa naturang posisyon na agad rin inaksyunan ng Pangulo sa isinasagawang Cabinet Meeting.
Bukod kay Vice President Robredo, hindi na rin dumalo sa isinagawang Cabinet Meeting kahapon sa Malakanyang si Commission on Higher Education Chairperson Patricia Licuanan matapos nitong aminin na nakatanggap din siya ng text message mula kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco na huwag ng dumalo.
Samantala, nilinaw naman ng Malacanang ang pagrespeto sa National Address ni Vice President Robredo kahapon, kung saan inihayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na karapatan ni Vice President Robredo na ihayag sa bayan ang kanyang panig matapos ang kanyang pagbibitiw bilang Chairperson ng HUDCC.
Kaugnay nga nito, tiniyak pa rin ni Robredo ang patuloy na pagsisilbi sa mga Filipino sa pamamagitan ng paggamit sa kanyang kapasidad bilang Pangalawang Pangulo ng bansa, kung saan matatandaang una na niyang ipinangakong magpatayo ng nasa 5.5-milyong pabahay sa buong bansa para sa mga mahihirap.
Sa report ng grupong Habitat for Humanity mahigit 44 na porsyento ng Urban Population ng Pilipinas ang walang permanenteng tahanan kung saan 70,000 ng mga ito ay matatagpuan sa Metro Manila.
Samantala, ayon nga sa Kanyang Kabanalan Francisco “Ang Pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa…” dahil sa pagtutuk sa common good o ang mas makabubuti para sa lahat sa kabila ng pagkakaiba-iba ng partido at pananaw pang-politika ng mga opisyal ng bayan.