237 total views
Karapatang mabuhay ang pangunahin karatapan ng isang nilalang.
Ito ang binigyang diin ni Former Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales kaugnay sa pagsusulong sa pagbabalik ng Death Penalty sa bansa.
Giit ni Rosales, nararapat na bigyang pag-asa ang bawat indibidwal maging ang mga nagkasala sa lipunan sa pamamagitan ng pagsusulong sa ‘restorative justice’ sa halip na pagsusulong ng parusang kamatayan na taliwas sa ika-5 sa sampung utos na Diyos na Huwag Papatay.
“Kung baga sa kristyano, ‘Thou shall not kill’ di ba sinasabi natin sa 5th Commandment pero sa Human Rights naman, sinasabi yung one of the basic, yung pinaka-saligang batas I mean probition ng karapatang pantao ay yung karapatan sa buhay. The right to life at ito ay angkop na angkop sapagkat napakalungkot ng nangyayari kaya sana mabago na yan, ihinto na yung pagpapatay at bigyan ng pag-asa ang tao, ang restorative justice dapat…” ang bahagi ng pahayag ni dating CHR Chairpeson Etta Rosales sa panayam sa Radyo Veritas.
Patuloy naman ang isinasagawang Lakbay-Buhay March Caravan laban sa Death Penalty na pinangungunahan ng iba’t ibang sektor ng lipunan na nagsimula noong ika-4 ng Mayo at magtatapos sa ika-24 ng Mayo upang manawagan sa mga mambabatas at manindigan laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Kaisa ang Simbahang Katolika sa panawagan laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan isang Misa ang nakatakdang isagawa sa University of Santo Tomas Grounds sa ika-21 ng Mayo bilang bahagi ng Lakbay-Buhay bago tuluyang magtungo sa Senate of the Philippines at manawagan sa mga mambabatas.
Bukod sa parusang kamatayan, una na ring nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang Kanyang Kabanalan Francisco sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay labag sa dignidad ng tao at pagkakataong muling makapagbago.
Sa tala ng Amnesty International, 141 bansa ang wala nang umiiral na batas o hindi na nagpapataw ng parusang bitay.