379 total views
May karapatan ang bawat Katoliko na hindi alisin ang mga rosaryo at imahen sa dashboard ng kanilang mga sasakyan.
Ito ang iginiit ni Atty. Aurora Santiago dating pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas sa pagpapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Anti-Distracted Driving Act kung saan ipinagbabawal ang paglalagay ng mga rosaryo at imahen sa dashboard ng mga sasakyan.
Binigyan diin ni Santiago na ang “Freedom of religion, freedom of worship” ay ginagarantiya at kinikilalang absolute right ng isang indibidwal base sa Bill of Rights sa ilalim ng Article III, Section 5 at 8 ng 1987 Constitution of the Philippines.
Tinitiyak ni Santiago na hindi abala ang rosaryo at mga imahen sa halip ito ay nagbibigay ng katiwasayan sa bawat driver para maging maayos at ligtas ang kanilang biyahe.
“I myself, I will not remove my rosary. Hindi ako magtatanggal ng rosary sa kotse at sana ang mga kapwa natin katoliko, hindi rin nila tanggalin. Ngayon pagkinuwestyon sila na nakakadistract yan but rather I feel safe. No, hindi yan nakakadistract sa akin, sabihin natin na constitutional rights natin ay Freedom of Religion,” ang bahagi ng pahayag ni Santiago sa Radio Veritas
Base sa ulat ng Association for Safe International Travel sa buong mundo, may 1.3 milyon ang nasasawi sa road accident kada taon o higit sa tatlong libo ang namamatay kada araw dahil sa aksidente sa kalye.
Una na ring inihayag ng LTFRB na dati nang umiiral ang pagbabawal sa mga rosaryo at imahen sa dashboard ng sasakyan sa ilalim ng a Joint Administrative Order 2014-01.
“We have the constitutional right na freedom of religion, freedom to exercise our Catholic faith and religious worship. So, isa sa practice ng Catholic faith is to pray the rosary, so hindi nila puwedeng sagkaan,” ayon pa kay Santiago.
Kaugnay nito, nilinaw at inamin ng Land Transportation Office Director for Law Enforcement Francis Ray Almora sa panayam ng Veritas Pilipinas na hindi bawal ang pagsabit ng rosaryo at iba pang maliit na religious image sa dashboard ng mga sasakyan.
Ayon kay Almora, walang batas na nagbabawal sa paglalagay ng nasabing mga bagay sa mga sasakyan.
Ayon sa pag-aaral karaniwang mga dahilan ng mga aksidente ay ang distracted driver o pagkagambala ng tsuper, over speeding at ang pagmamaneho ng lasing.
Noong 2014 kasabay ng World Day of Remembrance for Road Traffic Victims, naglabas ng pahayag ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na nagsasabing ang katiwalian ang dahilan kung bakit hindi ligtas ang mga kalye sa bansa.