195 total views
Nangangamba si Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo na mapapadalas ang rotational brownout sa rehiyon ng Mindanao dahil sa nararanasang matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Bishop Bagaforo, patuloy na lumiliit ang supply ng kuryente dahil kakulangan ng tubig mula sa Hydro–electric power supply na pangunahing pinagkukunan ng kuryente sa buong Mindanao.
“Hindi mabuti at hanggang ngayon mayroon pa ring rotational brown out sa maraming lugar sa Mindanao dahilan dahil sa kulang ang tubig, kulang ang lakas ng tubig sa NAPOCOR,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Naki – usap naman ni Bishop Bagaforo sa pamahalaan na tugunan ang kakulangan sa supply ng kuryente upang maiwasan ang malawakang dayaan sa May 9 national elections.
“Yun ang dapat iwasan, yan ang dapat na huwag mangyari na maapektuhan ang halalan dahil sa brown out na nangyayari. Sana bago mag–gabi pakiusap natin palagay ko naman kayang yan ng ating pamahalaan na masagot ang problema ng brown out. Sana huwag mangyari yung rotational brown out sa araw ng halalan,”giit pa ni Bishop Bagaforo sa Veritas Patrol.
Itinaas pa rin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang red alert status sa Mindanao dahil kulang pa rin ang pinagkukunan ng suplay ng kuryente sa buong rehiyon na meron lamang 154 megawatts na power supply deficit.
Sa patuloy na nararanasang rotational brown out sa Mindanao tumataas ng dalawampung porsyento ang kriminalidad sa bawat lalawigan at tinatayang P200 milyong piso ang nalulugi mula sa mga investors dahil sa kakulangan sa kuryente.