152 total views
Mahalagang makiisa ang bawat Overseas Filipino Workers sa isinasagawang OFW absentee voting sa iba’t ibang bansa.
Ito ang binigyang diin ni Engr. Francisco ‘Jun’ Aguilar – Pangulo ng Filipino Migrants Workers Group.
Aniya, kritikal ang isinasagawang halalan, sapagkat ito ang magtatakda sa panibagong administrayong mamamahala sa bansa sa susunod na anim na taon.
Dahil dito, mahalagang aniyang lumahok at makiisa ang bawat Filipino sa halalan upang tunay na maihatid at maiparating sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing at makapili ng karapat-dapat na lider para sa posisyon na tunay na mabibigay solusyon at tutugon sa kanilang mga partikular na suliranin at sitwasyon.
“Makialam at to participate kasi napaka-critical nitong eleksyon na ito at importante na marinig din ang boses at ang damdamin ng mga OFWs na nandoon sa labas..” pahayag ni Aguilar sa Radio Veritas.
Batay sa pinakahuling datos ng Commission on Elections, umabot sa higit 1.38 milyon ang registered overseas voters mula sa iba’t ibang bansa, kung saan 1.32-milyon dito ay mga land-based voters habang higit 49-na-libo naman ang mga seafarers.
Unang binigyang diin ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People ang halagahan ng mga OFW sa lipunan at kanilang malaking ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Batay sa pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2015 tumaas pa ng 3.6 na porsyento ang OFW cash remittance na umabot sa 22.83-billion dollars kumpara sa 22.08-billion dollars noong 2014.
Samantala, pinagpapaliwanag ng Department of Foreign Affairs ang embahada ng Pilipinas sa Chile kung hanggang sa kasalukuyan ay “zero” pa rin ang voting turnout sa Chile.