Nanawagan si Legazpi Bishop Joel Baylon ng sama-samang panalangin para sa kapayapaan ng mundo.
Sa gitna ng lumalalang tensyon at banta ng paglala ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, inaanyayahan ni Bishop Baylon ang lahat ng mananampalataya na magkaisa sa panalangin para sa kapayapaan ng mundo.
Ayon sa Obispo, mahalagang ipagkatiwala ng bawat isa sa Panginoon ang kasalukuyang kalagayan ng daigdig, lalo na sa mga bansang nakararanas ng karahasan at armadong tunggalian.
Ibinahagi rin ni Bishop Baylon ang isang panalanging Prayer for World Peace at hiniling sa lahat ng mga parokya, kapilya, at pamayanang pansimbahan sa diyosesis na isama ito sa araw-araw na pagdiriwang ng Banal na Misa, lalo na tuwing araw ng Linggo.
Layunin ng panawagan ng Obispo na sama-samang magsumamo ang bawat isa sa Diyos upang igawad ang kapayapaan sa mundo at mawakasan ang patuloy na pagdanak ng dugo sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Umaasa si Bishop Baylon na sa pamamagitan ng panalangin at sa tulong ng Mahal na Birheng Maria, na kinikilala bilang Ina ng Kaligtasan at Reyna ng Kapayapaan, ay manaig ang pagkakasundo at pagkakaunawaan sa halip na dahas.
Hinikayat din ng Obispo ang lahat na patuloy na manalangin at maging instrumento ng kapayapaan sa kani-kanilang pamayanan.







