618 total views
Umaasa ang opisyal ng Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) Office sa Rome, Italy na ang Laudato Si Action Platform (LSAP) ay makakatulong sa pagpapalawak at pagpapalaganap ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco tungo sa wastong pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Fr. Angel Cortez, OFM, vice director ng JPIC at miyembro ng steering committee ng LSAP na sa mga isinasagawang konsultasyon ay palaging isinasaalang-alang ang kalagayan ng mga maralita na lubhang apektado ng mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran.
“Palagi kong sinasabi na huwag nating kalimutan ‘yung mga karaniwang tao tsaka ‘yung mga mahihirap na lalong impacted nitong climate change. Sila naman talaga ‘yung reason kung bakit natin ginawa ‘yung platform. Not only to raise awareness of catholic or christians, but also to really ask these people who are affected na makasama doon sa journey,” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam ng Radio Veritas.
Mayroong pitong sektor ang LSAP na kinabibilangan ng sektor ng mga pamilya, mga parokya at mga diyosesis, paaralan, healthcare communities, ekonomiya, iba’t ibang organisasyon at grupo, at mga nasa religious orders.
Layunin nito ang sama-samang pagtutulungan ng mga komunidad tungo sa pagiging mabuting katiwala ng kalikasan upang matagumpay na maisakatuparan ang Seven Laudato Si’ Goals.
Ito ay ang pagtugon sa hinaing ng mundo; pagtugon sa hinaing ng mga mahihirap; pagbuo sa ecological-sustainable economy; pagtataguyod sa simpleng pamumuhay; pagsuporta sa edukasyong ekolohikal; pagpapalaganap ng ekolohikal na espiritwalidad; at pakikipag-ugnayan at pakikilahok ng mga komunidad.
Samantala, isasagawa ang paglulunsad sa LSAP ngayong Nobyembre 14 kasabay ng paggunita sa World Day of the Poor.



