286 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na pangalagaan ang kabundukan ng Sierra Madre.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, ang bundok ay pangunahing pananggalang ng bansa laban sa malalakas na mga bagyo.
Binigyang diin rin ng Obispo na mahalagang mapanatili ang kaayusan ng bundok dahil ito ay tahanan ng marami sa mga katutubo sa bahagi ng Luzon.
“Kailangan natin na pangalagaan yung Sierra Madre, huwag putulin yung mga puno, at huwag sirain, kasi iyan po yung panangga natin sa bagyo, at yan din po yung nag-aabsorb ng tubig upang hindi na bumaba sa kapatagan,” pahayag ni Bp. Pabillo sa Radyo Veritas.
Sa tala ng UNDP Philippines o United Nations Development Programme mayroong 14 hanggang 17 milyong katutubo sa Pilipinas na kabilang sa 110 ethnic groups.
Kaugnay dito, nitong nakaraang Setyembre nag-organisa ng Indigeneous People’s Summit ang Department of Environment and Natural Resources, bilang bahagi ng pagpapaigting sa pangangalaga ng ahensya sa mga katutubo at sa kabundukan ng Sierra Madre.
Samantala, nagpahayag rin ng pagkabahala ang kanyang kabanalan Francisco sa ginagawang pagpapalayas sa mga katutubo mula sa kanilang lupang minana upang magkapagsagawa ang mga makapangyarihang kumpanya ng pagmimina at abusuhin ang iba pang likas na yaman ng kanilang lupain.