1,159 total views
Naniniwala ang opisyal ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Affairs na kinakailangan ang masusing talakayan sa mga mahahalagang polisiya sa bansa.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng komisyon, bukas ang simbahan sa pakikipag-usap sa mga mambabatas para sa mga isinusulong na panukala lalo na ang pinag-uusapang divorce bill.
Sinabi ng pari na mahalagang maunawaan ng mamamayan at maipaliwanag sa mga mambabatas ang paninindigan ng simbahang katolika hinggil sa usapin.
“Yung willingness ng simbahan nandodoon, yung mga bagay na ganito dapat naman talaga pinag-uusapan in the interest of the Filipinos hindi naman ito interes ng simbahan, interes ito ng bawat pamilyang Pilipino, interes ng ating lipunan kaya dapat talaga pag usapan natin ito upang maiparating sa taumbayan kung ano ang dapat nilang mapakinggan na katotohanan,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Kamakailan ay tinalakay ng senado sa pangunguna ni Senator Risa Hontiveros ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang panukalang diborsyo at iginiit na napapanahong isabatas ito para sa kapakinabangan ng kababaihang biktima ng pang-aabuso.
Noong Pebrero inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang House Bill 1593 o ang Church Nullity Act of 2022.
Iginiit ni Fr. Secillano na bukas ang simbahan sa pakikipagtalakayan.
“Always willing naman talaga tayo pero kinakailangan may invitation kasi hindi naman tayo pwede mag gate crash sa hearing,” ani Fr. Secillano.
Dagdag ng opisyal na gumawa na rin ito ng iba’t ibang position paper na isinumite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa usapin ng SOGIE, Divorce at iba pang panukala na may paninindigan ang simbahan.
Tanging Pilipinas at Vatican ang mga bansang nanatiling illegal ang diborsyo sa buong mundo.
Batay sa resulta ng Veritas Truth Survey noong 2018, 52-porsyento ang pabor sa panukalang diborsyo kaya’t pinaiigting ng simbahan ang mga hakbang sa pagpapaliwanag sa kasagraduhan ng pag-aasawa na mahalagang pundasyon sa bawat pamilyang Pilipino.