220 total views
(Photo by: CAFOD)
Iginiit ni NASSA/Philippines Executive Secretary Father Edu Gariguez na ang Simbahan ay kumikilos at sumusuporta sa kapakanan ng mga mahihirap lalo na sa mga biktima ng kalamidad sinuman ang pangulo ng Pilipinas.
Nilinaw ni Father Gariguez na ang Simbahan ay pumapasok bilang suportang grupo dahil madalas mabagal at kulang ang tulong ng gobyerno sa mga higit na nangangailangan ng tulong.
“Tayo ay nagko-complement o nagbibigay suporta dahil nakikita natin sa maraming pagkakataon ay kulang o mabagal ang gobyerno kaya tayo pumapasok bilang suportang grupo kailangan natin dagdagan ang tulong kaya po lagi tayong nagnanais na makipagtulungan sa pamahalaan. Hindi tayo namimili kahit sino ang mahalal na pangulo ng bansa as long ay makakatulong sa mga tao,mga biktima ng kalamidad,kahit na anong kulay ng gobyerno hindi tayo namimili”. Pahayag ni Father Gariguez sa 1st National Caritas Humanitarian Response Summit sa Legazpi, Albay.
Inihayag ng pari na tungkulin ng Simbahan higit ng gobyerno na tulungan ang mga mahihirap lalo na ang biktima ng mga kalamidad.
Umaasa si Father Gariguez na tunay na maging makamahirap ang Duterte administration na siyang ninanais ng sambayanang Pilipino.
“Pinagkakaisan natin dito ay pagtulong sa higit na nangangailangan.Tungkulin ito ng simbahan higit na tungkulin ng gobyerno.Kaya gusto natin ang gobyerno ay makahirap,yun ang hamon sa gobyernong papasok,gobyerno ni President Elect Duterte,talagang sana ay makamahirap,bahagi ito ng pagbabagong ninanais ng tao dinggin ang kanilang hinaing”. Pahayag ni Father Gariguez sa Radio Veritas.
Sa katatapos na Disaster Summit sa Legazpi city, pinagtibay ng 70-social action center ng Simbahang Katolika sa Pilipinas, Caritas Manila, Quiapo church, apat na member organization ng Caritas Internationalis at Radio Veritas ang nagkakaisa at mabilis na disaster preparedness at pagtugon sa pananalasa ng anumang kalamidad sa bansa.
Kinatigan ng ibat-ibang social arm ng Simbahan ang pagtatayo ng isang Disaster Communication Hub sa pangunguna ng Radio Veritas upang maging mabilis ang koordinasyon at pagpapakalat ng impormasyon sa mga paghahanda bago at matapos ang pananalasa ng kalamidad.
Layon nitong ihanda ang buong komunidad sa anumang sakuna para maiwasan ang casualty at property damage.