28,324 total views
Pinaigting ng simbahang katolika ang pakikiisa sa mga jeepney drivers at operators upang ipinawagan ang tuluyang pagtigil ng “franchise consolidation” ng traditional jeepneys na sa December 31, 2023 ang deadline.
Pinangunahan ni running Priest Fr.Robert Reyes at Fr. Noel Gatchalian, chairman ng Church People Workers Solidarity-National Capital Region ang panawagan sa University of the Philippines, Diliman,QC
Sa kanyang talumpati, inihalintulad ni Father Reyes ang jeepney sector sa mga dahon na bagamat maliliit ay mahalagang sektor na bumubuhay sa ekonomiya at kabuhayan ng mga taong araw-araw gumagamit ng traditional jeepneys sa pagpasok sa trabaho.
“Hindi ko alam kung hanggang saan makakarating ang dahon na ito, bibigyan ko po kayo ng dahon, ang ibig sabihin ng dahon ay buhay, hindi modernisasyon, kapag nagpatuloy po tayo matutuyo ang dahon, matutuyo ang jeepney, matutuyo ang mga tsuper, matutuyo ang mga operators hanggang sa tuluyan na kayong maging tuyong dahon,” ayon sa mensahe ni Father Reyes.
Hinimok naman ni Fr.Gatchalian ang mamamayan na palawakin ang kaalaman sa usapin dahil nakapaloob sa franchise consolidation ang total traditional jeepney phaseout.
Sa isinagawang banal na misa kasama ang mga driver at operator, ipinagdarasal ni Fr.Reyes at Gatchalian ang mabuting kalagayan ng transport sector.
“Tayo po ay nagtitipon para pagtibayin ang ating pagkakaisa, at sa ating pagkakaisa tayo ay nagkakaroon ng lakas at siguro ang kalooban ng Diyos Ama, hanggat hindi tayo nagkakaisa, walang mangyayari, ang pagkakaisa ng maliliit at mahihina ay para tayo magkaroon ng kalayaan, kalayaang mabuhay at napapansin natin na ang programa ng phase out ng jeepney ay isang kawalan,” ayon naman sa mensahe ni Father Gatchalian.
Batay sa datos ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide o PISTON, kagyat na mawawalan ng kabuhayan ang 200-libong jeepney drivers at operators pagsapit ng January 01, 2024 kung susundin ang deadline ng franchise consolidation na magtatapos ng December 31, 2023.