227 total views
Higit pang pinaiigting ng pinuno ng Diyosesis ng Tagbilaran ang pangangalaga sa kalikasan upang mapanatili ang magandang anyo na kaaya – aya sa mamamayan.
Nanawagan si Bishop Alberto Uy sa mga mananampalataya na iwasan ang paggamit ng mga balloon at paputok lalo na tuwing may okasyon dahil nakadadagdag ito sa nalilikhang kalat at polusyon sa kalikasan.
Batay sa pag-aaral, hindi nabubulok ang mga ipinalipad na balloon habang malaking pinsala ito sa marine ecosystem kung sa karagatan mapupunta sapagkat magdudulot ito ng pagkasira sa mga yamang dagat tulad ng mga isda.
Samantala binigyang diin din ni Bishop Uy na ang mga toxic na nilalabas ng mga firework ay lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao kung nalalanghap ito at nagiging dahilan din ng polusyon sa hangin.
Dahil dito mariin ang panawagan ng Obispo sa lahat ng sektor sa lipunan na magtulungang pangalagaan ang kapaligiran at sugpuin ang mapaminsalang nakasanayan para sa ikabubuti ng susunod na henerasyon.
“Local Government Units and Churches should stop the practice of releasing Balloons and of fireworks display,” panawagan ni Bishop Uy.
Batay sa ulat ng Ocean Conservancy noong 2017 ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na nagtatapon ng mga basurang plastic sa karagatan habang ang Estados Unidos ay nakapagtala ng 33.6 milyong tonelada ng mga plastic kung saan halos 10 porsyento lamang ang na-recycle.
Sinisikap ni Bishop Uy na mapagkaisa ang mananampalataya sa nasasakupang diyosesis upang lingapin ang unti – unting nasisirang kalikasan upang mapigilan ang tuluyang pagkasira at maisalba ang kinabukasan ng mga kabataan.
Una nang hinimok ng Obispo ang mamamayan na makiisa sa tree planting activity sa darating na unang araw ng Setyembre para higit na dadami ang mga punong kahoy na makatutulong mabawasan ang pagkasira ng kalikasan partikular na ang mga kabundukan.
Read: Bilang bahagi sa pagsagip sa kalikasan: Libo-libong puno, itatanim ng mananampalataya sa Bohol
Ang hakbang ng Obispo ay upang makiisa sa panawagan nang Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si na pangalagaan ang kalikasan na itinuturing na biyayang kaloob ng Panginoon sa tao at ang tahanang panlahat sa mga nilikha ng Diyos.
“Caring for environment is one way of loving and serving God,” ani ng Obispo.
Ito rin ay bahagi ng pagdiriwang sa buwan ng Season of Creation mula Setyembre hanggang ikaapat ng Oktubre sa kapistahan ni San Francisco ng Assisi.