4,570 total views
Binigyang diin ng Kanyang Kabunyian Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David ang mahalagang papel na ginagampanan ng Simbahan bilang tinig ng mga naisasantabi sa lipunan.
Ito ang bahagi ng pahayag ng Obispo na siya ring Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa magkakaugnay na suliranin at kawalang katarungan lalo na para sa mga mahihirap.
Ayon kay Cardinal David, hindi maaring magsawalang-bahala na lamang ang Simbahan sa mga kawalang katarungan sapagkat bahagi ng tungkulin ng Simbahan na maging tinig ng mga naisasantabi tulad ng mga mahihirap na pinapatahimik ng takot at binabalewala ng mga institusyon ng pamahalaan.
“Bilang Simbahan, hindi tayo pwedeng pumikit. Hindi tayo pwedeng basta malungkot lang at makipagluksa sa burol. Kailangan nating maging tinig ng mga taong tinabunan na ng kahirapan, binalewala ng mga institusyon, at pinatahimik ng takot.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal David.
Sa ibinahaging salaysay ni Cardinal David sa kanyang Facebook page na may titulong ‘THE IRONY OF INJUSTICE: (Flooding, Gambling, and the Death of a Young Man)’ o ‘Ang Kabalintunaan ng Kawalang-Hustisya (BAHA, SUGAL, AT ANG KAMATAYAN NG ISANG KABATAAN)’ ay ibinahagi nito ang isang pangyayari sa diyosesis kung saan nasawi ang isang 20-taong gulang na sakristan ng Señor de Longos Mission Station ng diyosesis na si Dion Angelo Dela Rosa o Gelo sa ‘walang katuturang kamatayan’.
Pagbabahagi ni Cardinal David, nasawi ang binata dahil sa leptospirosis matapos lumusong sa tubig baha habang hinahanap ang kanyang ama na inaresto nang walang warrant dahil sa sinasabing paglabag sa PD 1602 o illegal gambling nang maaktuhan na nakikipaglaro ng kara y krus –isang maliit na sugal, habang nananatiling malaya ang malalaking gambling lords sa bansa.
Inihayag ng Cardinal, bukod sa pag-aalay ng dasal para sa pamilya ni Gelo ay marapat ding ipanalangin ng bawat isa ang ating sarili bilang isang Kristiyano at bilang mamamayan upang matigil na ang pagtuloy na pagbaha ng kawalang-katarungan sa lipunan upang wala ng matulad kay Gelo na mapagkaitan ng kinabukasan.
Partikular na tinukoy ni Cardinal David ang patuloy na pag-iral ng mga sistemang pumoprotekta sa mga mayayaman at makapangyarihan at nagpapahirap o nagpaparusa sa mga mahihirap.
“Sa ngayon, ipagdasal natin ang pamilya. Pero ipagdasal din natin ang ating sarili—bilang Kristiyano at bilang mamamayan—para matigil ang pagtaas ng pagbaha ng kawalang-katarungan at para wala nang kabataan na katulad ni Gelo ang mapagkaitan ng kinabukasan dahil sa kabalintunaan ng sistemang nagpaparusa sa mahihirap at pumoprotekta sa mga makapangyarihan.” Dagdag pa ni Cardinal David.
Ikinadismaya ni Cardinal David,ang trahedyang sinapit ng pamilya ni Gelo na pagtatagpo ng magkakatambal na problema ng katiwalian sa sugal at baha na una na ring kinundina ng Simbahan.
Matatandaan una ng naglabas ng sulat pastoral ang CBCP upang kundinahin ang paglaganap ng online gambling sa bansa, habang naganap naman ang malakawang pagbaha na idinulot ng sama ng panahon dahil sa Bagyong Crising na pinaigting ng Hanging Habagat ay nagpalabas rin ang Cardinal ng isa pang sulat pastoral para sa Diyosesis ng Kalookan kaugnay sa katiwalian na nagdudulot ng pagbaha sa pamayanan.
Pagbabahagi ni Cardinal David, “Katatapos lang naming maglabas sa CBCP ng isang sulat pastoral laban sa online gambling na may pamagat na “Isang Pahayag Ukol sa Moral at Panlipunang Krisis Dahil sa Online Gambling”. Pagkaraan ng ilang araw, naglabas naman ako ng isa pang sulat pastoral para sa Diocese of Kalookan tungkol sa pagbaha at korapsyon sa public works na pinamagatang “Kapag Tumataas ang Tubig at Nalulunod ang Katotohanan”. Hindi ko alam na sa trahedyang sasapitin ng pamilya ni Gelo ay pagtatagpuin ng kapalaran ang magkatambal na problema ng korapsyon ng baha at sugal.”