275 total views
Sinimulan na ng Department of Environment and Natural Resources ang malawakang operasyon ng paglilinis at pagtatanggal ng mga Fish pens at cages sa Laguna de Bay matapos ang dalawang linggong palugit sa mga operator.
Sa unang operasyon, dalawang malalaking fish pens na nakakasakop sa halos 100 hektarya ng lawa ang binuwag ng demolition team.
Tinitiyak ni Under Secretary Arturo Valdez – pinuno ng National Anti-Environmental Crime Task Force, na magiging malinis ang Laguna Lake bago ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The DENR-NAECTF will see to it that Laguna Lake is cleared of fish pens before President Rodrigo Duterte delivers his second State of the Nation Address in July,” pahayag ni Valdez.
Samantala, umaasa naman si Msgr. Jerry Bitoon – Vicar General Diocese of San Pablo Laguna, na sa pamamagitan ng paglilinis ng lawa at pagpabor sa maliliit na mangingisda ay manunumbalik ang ecological balance ng Laguna lake at mahihinto ang mono-culture o ang pag-aalaga ng isang uri lamang ng isda na Tilapia.
“Baka bumalik ulit yung dating ibang species ng isda dyan sa lawa, kasi in a way parang ngging mono culture, puro tilapia lang sila, nawala na yung mga kanduli, ayungin, yung mga dating kinakain ng sambayanan Filipino nawawala na yun, so in other words kung papaboran natin yung mga small [fishermen] mas favorable pa rin sa ecological balance ng lake,” pahayag ni Msgr. Bitoon sa Radyo Veritas.
Matatandaang sa unang SONA ni pangulong Duterte, partikular nitong iniutos ang pagbuwag sa malalaking fish pens at cages, upang mabigyan ng pagkakataon ang maliliit na mangingisda na makapaghanapbuhay ng maayos.
Samantala, ang Laguna de Bay ay kabilang din sa 29 priority areas ng programang Sustainable Integrated Area Development ng DENR.
Layon ng ahensya na mapanumbalik ang dating ganda at sigla ng lawa upang mapaunlad ito sa pamamagitan ng Eco-tourism.