344 total views
Binigyan pansin ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Media Office Director Msgr. Pedro Quitorio III ang malaking pagbabago sa pagpapalaganap ng mga impormasyon sa publiko bunsod ng aktibong social media platform bukod sa traditional media.
Dahil dito, bibigyang pagkilala ang mga indibidwal, grupo o institusyon na may natatanging ambag sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa mamamayan gamit ang iba’t ibang uri ng social media platform.
“Itong ginagawa ngayon ng Youthpinoy sa Catholic Mass Media Awards (CSMA) is actually trying to reinforce na iparating natin ang mensahe ng Simbahan na gamitin din natin ang social media as a platform na very efficient platform,” pahayag ni Msgr. Quitorio sa Radio Veritas.
Inihayag ng Veritas Pilipinas anchor na bagamat napapanahon pa rin ang traditional media tulad ng radyo, telebisyon at diyaryo ay mahalagang bigyang pansin ang social media.
Sa Digital Report ng We Are Social noong nakalipas na taon, 67-porspyento sa kabuuang populasyon ng Pilipinas ang aktibo sa paggamit ng internet partikular sa social media kung saan naglalaan ng halos sampung oras sa bawat araw.
Layunin ng CSMA na palakasin ang kakayahan ng netizens na makipag-ugnayan sa lipunan bitbit ang katotohanan sa bawat impormasyong ibabahagi sa kapwa.
Ayon pa kay Msgr. Quitorio nais ng Simbahang Katolika na palaganapin at pagtibayin ang kultura ng katotohanan sa pamayanan lalo na sa social media.
Ito rin ay isang hakbang upang labanan ang laganap na kasinungalingan dulot ng mga politikal na usapin, mga walang basehang akusasyon na ipinupukol sa mga hindi sumasang-ayon sa makapangyarihan sa lipunan.
“Precisely ang purpose nga niyan ay to encourage, with this [CSMA Awards] napapalawak yung awareness namo-motivate pagandahin pa ang mga gawa,” ani ni Msgr. Quitorio.
CSMA nomination
Ika – 22 ng Agosto pormal nang binuksan ang nominasyon para sa mga kikilalaning indibidwal, parokya, diyosesis o mga grupo na nagsasagawa ng ebanghelisasyon gamit ang digital.
Ang submission ng mga nominees ay tatagal hanggang ika – 6 ng Oktubre.
Ang mga kategorya na pipiliin ay:
– Best Parish Facebook page
– Best Catholic Organization Facebook Page
– Best Facebook Public Group
– Best Diocesan Website
– Best Parish Website
– Best Catholic Organization Website
– Best Catholic Blog
– Best Catholic Vlog
– Best Twitter Account
– Best Instagram Account
– Catholic Song of the Year
– Male Social Media Influencer
– Female Social Media Influencer
Ito ay inisyatibo ng Youthpinoy sa makikipagtulungan ng Aeropagus Communication Inc. sa ilalim ng CBCP Media Office.
Gaganapin ang awarding sa ika – 16 ng Nobyembre at para sa karagdagang detalye bisitahin lamang ang website ng CSMA sa www.catholicsocialmediaawards.com.