147 total views
Pabor si Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa iminungkahi ni Vice President Leni Robredo sa pagpapasa ng batas na magdaragdag ng pasilidad ng mga special education (SPED) centers sa lahat ng pampublikong paaralan.
Inihayag ni Bishop Ongtioco na bahagi ng pagpapadama ng awa ng Diyos ay ang pagbibigay ng oportunidad lalo na sa mga batang may kapansanan na walang kakayahang makapag – aral.
Batid rin ng Obispo ang paghihirap ng nasa 8.1 porsyento o katumbas ng 3-milyong batang Pilipino na may kapansanan sa edad na 0 hanggang 18 taong gulang batay sa UNICEF.
“Yung acceptance, yung education, so you need special institution kaya nararapat lang kung minsan napapabayaan ito. In a way they are poor in a sense na nakakalimutan sila, naisasantabi yung kanyang appeal (Vice President Leni Robredo) tamang – tama naka – akma sa Year of Mercy at the same time this is reality, huwag tayong magbulag – bulagan harapin natin yung challenges,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Veritas Patrol.
Mula sa datos noong 2014, tanging 620 sa halos 34 na libong pampublikong elementary sa bansa ang may SPED Center o SPED program. May kakulangan rin sa mga SPED teachers na may 6 na libo lamang sa mahigit 239 na libong estudyante na may special needs.
Nauna nang iminungkahi ni Caritas Internationalis President at Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga parokya na magkaroon ng programa sa mga may kapansanan upang maipadama sila na kabahagi sila sa misyon ng Simbahan.