165 total views
“Sa barangay nagsisimula ang paghubog sa pagiging isang aktibo at mabuting mamamayan kaya’t nararapat lamang ang partisipasyon ng bawat isa sa halalang pambarangay.”
Ito ang panawagan ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting Chairperson Henrietta De Villa kasabay ng muling pagbubukas ng Comelec o Commission on Elections ng pagpapatala sa mga hindi pa nakarehistrong botante kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Giit ni De Villa, mahalagang makibahagi ang bawat isa sa Barangay at SK Elections na nakatakda sa darating na Oktubre.
“Kailangan sumali diyan kasi sa barangay nangyayari yung Good Governance, yung first experience in participation in good governance doon din sa Barangay at saka that is where closest means of being involve and participate in governance through the Barangay kasi yan ang community level of organizing people participation in administration…” ang bahagi ng pahayag ni De Villa sa panayam sa Radio Veritas.
Samantala, nasasaad sa Republic Act No. 9340 na pagsasagawa ng Barangay Elections sa darating na Oktubre habang nasasaad naman sa bagong SK Reform Law na maaring bumoto sa SK ang mga may edad na 15 hanggang 30-taong gulang ngunit ang maari lamang tumakbo ang edad 18 hanggang 24-taong gulang.
Kaugnay nito, batay sa tala ng NAMFREL umabot sa 81-porsyento ang vote turnout rate noong nakalipas na May 9 National at Local Elections mula sa 54.6 na milyong rehistradong botante na mayroon ring pagkakataong bumoto para sa Barangay Elections.
Sa nagdaang May 9 national elections, sa ulat ng Comelec, sa 54 milyon na rehistradong botante, humigit-kumulang 20 milyon dito mga kabataan.
Samantala, patuloy rin ang paghihikayat ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa publiko na huwag balewalain ang kasagraduhan ng pagboto, bilang isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.