566 total views
Umaasa ang Sultanate of Sulu na muling mabubuksan ang usapin ng pagbawi ng Pilipinas sa isla ng Sabah na kasalukuyang sakop ng Malaysia.
Ayon kay Abraham Idjirani, Secretary General at Spokesperson ng Sultanate of Sulu, nagpadala ng pahayag kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipaalam ang kanilang posisyon hinggil sa pag-angkin ng isla ng Sabah.
“We are awaiting for the President’s pronouncement tungkol sa stand nya sa Sabah issue wala pang move ang Sultanate of Sulu, considering that kahit na we do not remind about him the history, taga Mindanao siya alam niya ang tungkol dito,” ayon kay Idjirani sa panayam ng Radio Veritas.
Una nang nadismaya ang sultanato sa nagdaang administrasyon na hindi nabanggit ang kalagayan ng mga Filipino migrants sa Sabah na siya namang unang ginawa ng Pangulong Duterte sa pagbisita nito kamakailan sa Malaysia.
Ang Sabah ay kabilang sa 13 teritoryo ng Malaysian Federation na malapit sa Tawi-Tawi kung saan may standing claim ang Pilipinas base na rin sa pag-aari ng North Borneo territory ng Sultan ng Sulu na inilapat naman ang pag-angkin sa Pilipinas noong 1962.
Sa administrasyong Duterte nagkasundo ang gobyerno ng Pilipinas at Malaysian Prime Minister Najib Razak para sa unti-unti pagpapauwi sa mga Filipino doon na base sa datos ay may kabuuang 800 libo residente noong 2013.
Pebrero ng taong 2013 nang magkaroon ng kaguluhan matapos magtungo sa Sabah ang miyembro ng Royal Security Forces of the Sultanate of Sulu and North Borneo upang bawiin ang teritoryo.
Una na ring humingi ng tulong ang Sultanate of Sulu kay dating CBCP President, Cebu Archbishop Jose Palma kaugnay na rin sa pang-aabuso na dinaranas ng mga Filipino migrants sa Malaysia.
Tiniyak naman ni Archbishop Palma na dadalhin ang usapin sa Vatican at lalong magpapatibay sa kapatiran sa pagitan ng muslim at mga kristiyano.