173 total views
(Photo by: phru-online.blogspot.com)
Nangangamba ang Task Force Detainees of the Philippines sa pagdami ng kaso ng extra-judicial killings sa bansa kasabay ng puspusang operasyon ng Philippine National Police laban sa mga sanggot sa illegal na droga.
Aminado si Sister Cresencia Lucero, Chairperson of the Board ng T-F-D-P na mabuti ang layunin ng mga otoridad na sugpuin ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa bansa ngunit nararapat itong dumaan sa tamang proseso ng paglilitis at hindi basta na lamang patayin ang mga pinaghihinalaang sanggot sa droga.
“Maganda yung merong vigilant tayo doon sa mga kriminal at dapat gawin ng mga security forces yung kanilang trabaho, ng mga pulis pero dapat sundin pa rin ang proseso nung paghuhusga hindi patay kaagad, kaya nga yung Task Force Detainees talagang nangangamba kami na magiging ano ito malaking problema natin dadami at dadami ang extra-judicial killings..”pahayag ni Sister Lucero sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon sa United Nations World Drug Report ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng shabu sa East Asia kung saan sinasabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na aabot sa 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila ay apektado ng bawal na gamot.
Batay naman sa tala ng PNP, tumaas ng 200-porsyento ang bilang ng mga napapatay sa operasyon ng pulisya matapos ang May 9-National at Local elections kung saan lumabas na sa 70 na mga napatay sa operasyon laban sa ilegal na droga, higit 31 nito ay naitala matapos ang pagkapanalo ni incoming President Rodrigo Duterte.
Unang nagpahayag ng pangamba ang Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa lumalaking bilang ng mga namamatay na sa operasyon ng mga otoridad laban sa droga at nanawagan sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas at katarungang panglipunan.