1,781 total views
Hinihikayat ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang lahat na tumulong at magpaabot ng pakikiisa sa mga biktima ng malawakang wildfires sa Lahaina, Maui, Hawaii.
Ayon kay Laiko National President Raymond Daniel Cruz Jr. lubos na kinakailangan ng mga mamamayan ang tulong at suporta matapos na matupok ang kanilang mga tahanan sa malakawang sunog na naganap sa isla.
Paliwanag ni Cruz, ang mga Pilipino ang ikalawang may pinakamadaming populasyon sa Lahaina kung saan bagamat marami ding problema na dapat na tugunan dito sa bansa ay hindi naman dapat na ipagsawalang bahala ang kalagayan ng mga kapwa Pilipino sa ibang bansa.
Pagbabahagi ni Cruz, kasalukuyan ng pinaghahandaan ng mga Pilipinong Katoliko sa Maria Lanakila Church sa isla ang pagtulong sa mga naapektuhan ng malawakang wildfires na tumupok din sa maraming mga kabahayan at ari-arian.
Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA) may tinatayang 25,000 ang bilang ng mga Filipino-Americans sa Maui na katumbas ng 17-porsyento ng populasyon sa isla.
Sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Laiko Bldg. 372 Cabildo St. Intramuros, Manila o kaya naman ay hanapin si Joseph Jesalva sa numero bilang 2527-5388.