277 total views
Pinuri ng Partido ng Manggagawa ang naging desisyon ng Korte Suprema na ibalik sa mga minimum wage earner ang labis na buwis na kinaltas sa kanila mula taong 2008.
Ayon kay Renato Magtubo, national chairperson ng Partido ng Manggagawa, ang desisyon ng SC ay patunay lamang na may nakamit na hustisya ang mga manggagawa sa reklamo na inihain laban sa Bureau of Internal Revenue o BIR.
“Matagal nang usapin yan yun tax exemption sa minimum wage earners tapos marami pa din mga employers na hindi alam yung batas kaya kinakaltasan pa din ang mga minimum wage earners. Very welcome yan sa mga manggagawa kasi kahit papaano kailangan nila yan ngayon.”pahayag ni Magtubo sa panayam ng Radio Veritas.
Gayunpaman, aminado si Magtubo na hindi magiging madali ang proseso lalo na’t marami sa mga empleyado noong 2008 ang lumipat na ng pinagta-trabahuhan at hindi tiyak ang halaga ng labis na naikaltas sa kanila.
Umaapela si Magtubo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na tiyaking magiging maayos ang proseso ng refund at huwag hayaang pahirapan ang mga makikinabang na manggagawa.
“Siguro mag -coordinate pati ang DOLE tapos magkaroon ng announcement ng decision na yan. Sana naman ang panawagan natin magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno at kung may mag-claim wag naman pahirapan.”dagdag pa ng Chairperson ng Partido ng Manggawa.
Kaugnay nito patuloy na umaasa ang grupo na wawakasan na ng kasalukuyang administrasyon ang umiiral na ENDO sa bansa.
Sinabi ni Magtubo na magkakaroon ng dayalogo ang pamahalaan at mga grupo ng manggagawa sa ika-28 ng Pebrero kung saan pag-uusapan ang kanilang pagtutol sa plano ng administrasyon na padaanin sa middle persons employer o mga agency ang mga kasalukuyang contractual employee.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, aabot sa 1.3 milyon na mga mangagawa sa mga establisiyemento na may hindi bababa sa 20 mangagagawa ang itinuturing na non-regular workers.