557 total views
Nagtutulungan ang iba’t-ibang organisasyon ng Simbahang Katolika para lalo pang makatugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente sa Surigao del Norte.
Ayon kay Sherlita Seguis, Social Action Coordinator ng Diocese of Surigao, natapos na nila ang validation ng mga datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO na kulang pa at marami pang dapat idagdag sa listahan.
Nagtutulungan sa kasalukuyan ang Diocese of Surigao at ang Catholic Relief Services o CRS sa pagtukoy ng mga kailangan pang tugunan ng Simbahang Katolika sa bahagi ng rehabilitasyon o Water Sanitation and Hygiene (WASH).
“Priority po namin ang mga most affected, ngayon darating ang team ng CRS at mag-based kami sa secondary data,”pahayag ni Seguis sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito aminado si Seguis na may ilan pang mga pamilya ang nangangamba na bumalik sa kanilang mga bahay dahil sa posibilidad ng mga aftershocks.
“Katunayan po kagabi around 9pm nandun pa kami sa opisina meron pa kami 4 [families] na evacuees kasi yung lupa ng bahay nila gilid ng ilog may nag-leak daw, everytime na nagalaw ang lupa,” pahayag ni Seguis.
Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs na hindi bababa sa 140 aftershocks ang kanilang naitala hanggang Martes ng hapon [February 14].
Batay sa pahayag ng PDRRMO umabot sa P665- milyong piso ang inisyal na halaga ng pinsala na iniwan ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao.
Magugunitang una nang nagpahayag ng panalangin ang ilang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas matapos maganap ang nasabing kalamidad.
Patuloy din ang panawagan ng Caritas Manila sa mga Good Samaritan na tulungan ang mga biktima ng lindol.
Read: http://www.veritas846.ph/call-donations-victims-6-7-magnitude-earthquake-surigao-del-norte/