16,481 total views
Nagpahayag ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa panukalang batas na naglalayong mabigyan ng pagsasanay at edukasyong teknikal ang mga rehabilitated drug dependents bilang bahagi ng pagbibigay ng pangalawang pagkakataon upang makapagbagong buhay.
Ayon kay CHR Chairperson Richard Palpal-latoc, malaki ang maitutulong ng batas ni Senator Raffy Tulfo na Senate Bill (SB) No. 2721, o “An Act Mandating The Technical Education And Skills Development Authority To Design And Implement Technical-vocational Education And Training And Livelihood Programs Specifically For Rehabilitated Drug Dependents And Appropriating Funds Therefor” upang magabayan ang pagbabagong buhay ng mga dating nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Pagbabahagi ng CHR ang naturang panukalang batas ay maituturing din na isang paraan ng pagtataguyod sa mga karapatang pantao na nasasaad sa Konstitusyon kabilang na ang pagkakaroon ng patas na opurtunidad ng bawat isa para sa kalidad na edukasyon, ang pagkakataon na makapagtrabaho, at ang pagpapahalaga ang dignidad ng isang indibidwal sa lipunan.
Ipinaliwanag ng CHR na mahalaga ang mga katulad na inisyatibo at panukalang batas upang maipakita ng pamahalaan ang pagiging inklusibo at bukas nito sa pagtulong sa mga dating nalulong sa ipinagbabawal na gamut.
“We take note of the effort made by Sen. Raffy T. Tulfo to introduce this proactive bill. Through initiatives like this, the government demonstrates its commitment to a more inclusive and rehabilitative approach to drug addiction. We urge the swift passage of SB No. 2721 in order to move closer to a society where every individual is given the opportunity to recover, rehabilitate, and reintegrate with dignity and hope.” Dagdag pa ng CHR.
Matatandaang sa kasagsagan ng marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte na nagsimula noong 2016 ay naglunsad ang iba’t ibang mga diyosesis at institusyon ng Simbahan ng Church-based drug rehabilitation program upang magkaloob sa mga sumukong drug dependents at sa kanilang mga pamilya ng counselling, spiritual formation, skills formation training at arts, culture at sports activities para sa holistic development ng mga drug dependents.
Una ng inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction at iba pang uri ng adiksyon na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.