10,817 total views
Hinimok ng Move As One (MAO) Coalition ang pamahalaan na tumugon sa pandaigdigang panawagang mamuhunan sa malinis na hangin.
Iginiit ng grupo ang pamumuhunan sa malinis na hangin sa pamamagitan ng pagtataas ng pondo para sa mga low-carbon transport modes upang makinabang ang mamamayan sa mga benepisyong pangkalusugan, pang-ekonomiya, at pangkalikasang dulot ng malinis na hangin.
Panawagan ng Move as One ang pagpapanumbalik ng pondo para sa service contracting program, kung saan noong 2020 ay matagumpay itong naisulong ng grupo upang matiyak ang maayos na pampublikong transportasyon sa kasagsagan ng coronavirus pandemic.
Gayunpaman, hindi pa rin nakakamit ng programa ang layunin dahil sa mga suliranin sa pagpapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“It makes no sense that the proposed budget for service contracting in the 2025 National Expenditure Program (NEP) is zero. The key reform program is vital to developing efficient public transport in the Philippines,” ayon sa grupo.
Hinikayat din ng MAO Coalition ang gobyerno na taasan sa 2025 NEP ang alokasyon para sa active transportation tulad ng paglalakad at pagbibisikleta na maituturing na low-carbon tranport modes.
Ngunit ang iminumungkahing P60-milyong budget para sa active transport sa 2025 NEP ay malaking bawas mula sa P1-bilyong budget sa 2024 General Appropriations Act.
“The reduced budget goes against the declaration in the Philippine Development Plan 2023-2028 that “pedestrians and cyclists will be accorded highest priority in the hierarchy of road users.” Also, without sufficient funding, how will President Ferdinand Marcos Jr. honor his commitment to “prioritize active transportation facilities including safe walkways and secured bike lanes to promote healthier and more sustainable modes of travel?”, saad ng grupo.
Hamon naman ng koalisyon sa administrasyong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na agad na kumilos upang matiyak ang pagkakaroon ng ligtas, maaasahan, at de-kalidad na serbisyo sa mamamayang umaasa sa pampublikong transportasyon.
Batay sa ulat noong 2021, tinatayang umaabot sa P4.5 trilyon taon-taon ang nagagastos ng Pilipinas dahil sa polusyon sa hangin na nagdudulot ng mga gastusin sa kalusugan at pagtugon sa mga apektadong maralita, gayundin sa sektor ng paggawa at ekonomiya.
“They have a right to a public transportation system that prioritizes inclusion, safety, and the welfare of its commuters. Transport workers have a right to demand ample support from the government to ensure that not a single one of them will be left behind,” giit ng MAO Coalition.
Hinihikayat din ng grupo ang kongreso na buuin ang Joint Congressional Oversight Committee alinsunod sa Section 53 ng Clean Air Act, upang masuri ang 25-taong pagpapatupad ng batas at simulan ang konsultasyon at mungkahi para sa pag-amyenda at mas epektibong pagpapatupad ng batas.
Sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco, tungkulin ng pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas at programa na mangangalaga hindi lamang sa mamamayan kundi maging sa kalikasan.