202 total views
Teritoryo ng Pilipinas, isa-isang inaangkin dahil sa mahinang Maritime security.
Napapanahon na upang palakasin ang kapasidad ng bansa sa Maritime security at Maritime domain awareness sa gitna ng umiinit na usaping pang-soberenya na kinahaharap ng bansa.
Ito ang apela ni Department of Foreign Affairs Spokesperson Charles Jose sa mga mambabatas kasunod ng panibagong tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng Benham Rise.
Ayon sa kalihim, mahalagang palakasin ng Pilipinas ang puwersa nito upang masusing mabantayan ang mga teritoryong pagmamay-ari ng bansa sa bahagi ng West Philippines Sea o South China Sea at maging sa bahagi ng Pacific Ocean.
“napakaimportante po na talagang palakasin natin ang ating capability for maritime security and maritime domain awareness para alam po natin kung ano ang nangyayari both side, sa South China Sea at doon din sa Pacific Ocean…”pahayag ni Jose sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Jose, isang mahalagang aspekto sa Soberenya ng bansa ang pagtiyak sa maritime defense and security lalo na sa isang arkipelagong bansa tulad ng Pilipinas.
“Siguro po dapat pong pagtuunan ng pansin yan ng ating mga legislators, ng ating executive branch para po sa ganun mabigyan ng corresponding attention itong napakahalagang aspekto ng ating national life, itong ating defense including yung maritime defense and security…” Ani USec. Jose.
Ang Benham Rise ay nasa Karagatang Pasipiko na may 200-kilometro ang layo mula sa lalawigan ng Aurora, table mountain o talampas sa ilalim ng karagatan na may lawak na 13-milyong ektarya.
Noong 2012 idineklara ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf na ang Benham Rise ay sakop ng Pilipinas.
Sa kabila nito, iginiit ng China na hindi maaaring angkinin ng Pilipinas ang Benham Rise at binigyang diin na kabilang rin sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng Beijing ang Benham Rise.
Gayunpaman nanindigan na rin ang Malacañang na ang claim ng Pilipinas sa Benham Rise ay suportado ng Article 77 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kayat’ responsibilidad ng bansa na i-regulate ang mga bansang dumadaan sa nasabing lugar.
Nasasaad sa Catholic Social Teaching na kailangang pairalin sa anumang “foreign agreement” ang Principle of Moral Dignity, Economic Justice at pagrespeto sa kalayaan ng isang bansa.
Ayon sa Kanyang Kabanalan Francisco, una ng binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi kailanman makakamit ang kapayapaan at pagkakaisa sa pamamagitan ng armas kundi sa isang payapang dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig.