6,588 total views
Pinuna ng EcoWaste Coalition ang mga iniwang basura ng mga bumisita sa mga sementeryo nitong nagdaang Undas.
Sa pagbisita ng Basura Patrollers ng grupo sa 29 pampubliko at pribadong sementeryo sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Bataan, Bulacan, at Pampanga, bumungad ang mga umaapaw at magkakahalong basura.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition, bagama’t nabawasan ang nagkakalat sa loob ng sementeryo, nananatili pa ring hindi maayos ang pamamahala sa mga basura.
“This is unacceptable as visiting the grave sites of our beloved ones should be done with utmost respect, including not leaving any trash behind,” ayon kay Lucero.
Karamihan sa mga nagkalat na basura ang single-use plastic bags, disposable food containers, plastic bottles, mga kahon ng donut at pizza, at mga natirang pagkain.
Dagdag pa ni Lucero, dahil sa kakulangan ng solid waste management sa mga sementeryo, mas makabubuting iniuwi na lamang ng mga bisita ang kanilang mga basura upang mapanatiling malinis ang paligid.
Binatikos rin ni Lucero ang “throw-away culture”, na lalo pang lumala sa mga sementeryong may mga nagtitinda sa labas.
“Throw-away culture is drowning our cemeteries during Undas, especially in places where vendors of food, beverage and other stuff are allowed as most of the things they offer are packed in convenient but single-use and mostly plastic packaging,” saad ni Lucero.
Bagamat ikinatuwa ng EcoWaste ang dedikasyon ng streetsweepers sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga sementeryo, pinaalalahanan ng grupo ang publiko na huwag umasa sa mga tagalinis, sa halip, panatilihing malinis ang paligid.
Bilang paghahanda sa mas malinis at makakalikasang Undas sa 2025, iminungkahi ng EcoWaste ang iwasang mag-iwan ng basura sa sementeryo, dalhin ang sariling basura pauwi, ipatupad nang mahigpit ang mga patakaran ukol sa pamamahala ng basura, at iwasan ang paggamit ng disposable items sa mga iniaalok na libreng tubig at pagkain.
Patuloy na isinusulong at sinusuportahan ng grupo ang pagsasakatuparan ng mga batas hinggil sa pag-iwas sa polusyon, tulad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, at ang mga lokal na ordinansa para mapangalagaan ang tao at kalikasan mula sa mga kemikal at basura.
Apela ng Simbahang Katolika na isabuhay ang Laudato Si’ ni Pope Francis, na bawasan ang paglikha ng karagdagang kalat sa paligid, upang hindi magmistulang malawak na tambakan ng basura ang buong daigdig.