2,384 total views
Tinalakay sa ginanap na Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS) 2023 ang inisyatibong Traslacion RCAM Roadmap ng Arkidiyosesis ng Maynila
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagsisimula ng MAGPAS 2023 sa pamamagitan ng banal na Misa.
Sa pagninilay ni Cardinal Advincula, sinabi nitong malaking tulong ang MAGPAS upang pagbuklurin at hikayatin ang bawat kabilang sa simbahan sa pagpapanibago tungo sa nagkakaisang pamayanan.
“Sa mga nagdaang taon, sinikap nating maglakbay ng sama-sama. Nagsikap tayong palagiang magtipon at makinig sa isa’t isa. Maraming balakid, maraming hamon, maraming kakulangan. Ngunit sa gitna ng lahat, palagian tayong binubuklod ng Espiritu Santo upang harapin at tugunan ang misyon na iniatang Niya sa ating mga balikat,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Taong 2005 nang itatag ang MAGPAS sa pangunguna ni Manila Archbishop-emeritus Gaudencio Cardinal Rosales upang makabuo ng pangarap para sa Arkidiyosesis.
Samantala, ibinahagi NI Cardinal Advincula ang Traslacion RCAM Roadmap na magsisilbing gabay sa sama-samang paglalakbay sa arkidiyosesis sa susunod na limang taon mula 2023 hanggang 2028.
Hango ito sa mga napag-usapan at napakinggan noong 2021 sa ginanap na Audiam sa RCAM, ang lokal na konsultasyon para sa Synod on Synodality.
Sa kinalabasan ng sinodo ng arkidiyosesis, isinalarawan ang paglalakbay bilang Traslacion na matandang tradisyon ng Quiapo na sinasamahan ang Mahal na Poong Nazareno sa Kanyang pagtahak sa lansangan ng Maynila.
“We are facing the same challenges today. We must be molded by the Holy spirit to continue the mission of Jesus. That we must also be strategic and wise in dealing with the signs of the times… Let us allow Jesus to show us the path that we must take. For indeed, He is the way, the truth, and the life. If we ask anything in His name, He will do it,” saad ni Cardinal Advincula.
Tema nito ang Traslacion: Sama-samang paglalakbay tungo sa pagpapanibago ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Inilunsad ito noong Abril 6, 2023, Huwebes Santo, kasabay ng Chrism Mass ng Arkidiyosesis sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Inisyatibo ito ni Cardinal Advincula katuwang ang Office for the Promotion of the New Evangelization na pinamumunuan ni Fr. Jason Laguerta.