714 total reads
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na tularan ang halimbawa ni San Francisco ng Assisi na pinagbuklod ang simbahan sa pamamagitan ng pagkakapatiran.
Sa kanyang Angelus sa St. Peter’s Square noong October 4, kapistahan ni San Francisco ng Assisi, sinabi ng Santo Papa na ang tunay na pagbabago sa Simbahan ay nakaugat sa personal na pagbabagong-buhay at sa konkretong pagsasabuhay ng pagmamahal sa kapwa.
“Saint Francis repaired the Church by virtue of his faith in the Lord Jesus, healing the rifts of discord through the witness of fraternal love,” ayon kay Pope Leo.
Binigyang-diin ng Santo Papa ang pagbabagong-loob ni San Francisco sa pakikipagkaisa kay Kristo upang higit pang maisabuhay ang misyon sa pamayanan.
“Francis first and foremost built his own life upon the foundation of Christ, sharing in his poverty, joy and sufferings,” aniya.
Ayon kay Pope Leo, mahalagang kilalanin ng bawat mananampalataya ang sariling pananagutan sa kalagayan ng Simbahan, sapagkat ang Simbahan ay maaaring maging matatag o masira batay sa mga gawain ng mga kasapi nito.
Sa paggunita sa ika-800 anibersaryo ng pagpanaw ni San Francisco, sinabi ni Pope Leo na nananatiling buhay at mabunga ang kanyang espirituwal na pamana makalipas ang walong siglo.
Hinikayat ng Santo Papa ang mga mananampalataya na gawing konkretong misyon ang paghahanap ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga hidwaan sa mundo.
“The charism of Saint Francis continues to bear fruit even today, after eight centuries. Let us perseveringly ask for the gift of peace and sincerely commit ourselves to building harmony among peoples,” giit ni Pope Leo.
Nagbabala rin si Pope Leo laban sa panghihina ng loob sa harap ng kabiguan at pagdurusa, at binibigyang-diin na hindi pinababayaan ng Diyos ang tao.
Samantala, muling nanawagan ang Santo Papa ng panalangin para sa pagtatapos ng mga digmaan, partikular para sa mga biktima ng karahasan sa Holy Land.
Hinimok din niya ang mga pamilya na gampanan ang kanilang mahalagang papel sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo bilang mga katuwang sa misyon ng simbahan.
Hamon ng Santo Papa sa Simbahan na ang tunay na pagkukumpuni nito ay nagsisimula sa pagbabalik-loob kay Kristo, pagtibayin ang pagkakapatiran, at dapat na humahantong sa paghilom ng mga pagkakawatak-watak at pagtataguyod ng kapayapaan.




