2,848 total views
Patuloy na nananawagan ng tulong ang Apostolic Vicariate of Calapan, Oriental Mindoro para sa mga mangingisdang apektado ng oil spill mula sa tumaob na Motor Tanker Princess Empress.
Ayon kay Calapan Social Action Director Fr. Edwin Gariguez, hindi pa rin pinahihintulutan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisda na makapaghanapbuhay dahil sa panganib na dulot ng tumagas na langis.
“Hanggang ngayon, ang mga mangingisda ay pinagbabawalang pumunta sa dagat at maghanapbuhay dahil nga mapanganib. Ito’y mahabang panahon bago makabawi dahil po malaki ang sira lalo’t higit ang karagatan,” pahayag ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Panawagan ni Fr. Gariguez ang tulong-pinansyal na higit na kailangan ng mga apektadong pamilya bilang pangmatagalang suporta upang muling makapaghanapbuhay at pantustos sa iba pang mga pangangailangan.
“Kasi ‘yun pong pagtulong na pagkain ay ‘yun nama’y natutugunan ng pamahalaan, mas madali kasing gawin. Pero ang mas kailangan po ay ‘yung tulong sa hanapbuhay,” saad ng pari.
Hinimok din ng pari ang lahat na ngayong Kuwaresma ay sikaping magbahagi sa mga higit na nangangailangang katulad ng mga apektadong mangingisda.
Dulot ng oil spill sa Mindoro, umaabot sa 18-libong mangingisda ang nawalan ng hanapbuhay bukod pa sa pagkapinsala sa kalikasan, at panganib sa kalusugan ng mga residenteng naninirahan malapit sa baybayin.