13,047 total views
Ipinapanalangin ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage ang katatagan ng mamamayan sa gitna ng kinakaharap na hamon bunsod ng kalamidad.
Dalangin ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang kasalukuyang parish priest ng international shrine ang katatagan ng mga biktima ng malawakang pagbahang dulot ng Bagyong Enteng at Habagat lalo na sa lalawigan ng Rizal na labis apektado ng kalamidad.
“Lord, we ask for your peace to surround those who are grieving. May they feel your presence and find solace in your love. Grant them the courage to face each day and the hope to carry on, even in the midst of their sorrow,” bahagi ng panalangin ni Bishop Santos.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 10 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyo na karamihan ay mula sa Calabarzon Region kung saan pitong katao ang nasawi sa Antipolo City, Rizal dahil sa pagkalunod at landslide.
Idinulog ni Bishop Santos sa kalinga ng Mahal na Birheng Maria ang mga biktima ng sakuna gayundin ang panawagan ng pagtutulungan para makabangon mula sa trahedya ang apektadong mamamayan.
“We pray for the safety and protection of all those affected by the floods. Provide them with shelter, food, and the support they need to rebuild their lives. Guide the hands of the rescuers and volunteers, giving them the strength and wisdom to help those in need,” ani Bishop Santos.
Halos 38-libong pamilya o mahigit sa 147-libong indibidwal ang apektado ng weather disturbance sa Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, at National Capital Region.
Kumikilos na rin ang Caritas network ng iba’t ibang diyosesis sa bansa upang makapaghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo at habagat lalo na sa mga pamilyang nanatili sa mga evacuation centers.