8,469 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang pagtutulungan ng mamamayan upang maligtas sa banta ng tumataas na kaso ng dengue sa Bohol.
Ang panawagan ni Bishop Uy ay matapos ideklara ang dengue outbreak sa buong lalawigan bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso na umabot na sa higit 450-porsyento mula noong Enero.
“A Dengue Outbreak has been declared in Bohol. Let’s join forces to keep ourselves safe,” ayon kay Bishop Uy.
Batay sa tala ng Bohol Provincial Health Office, umabot na sa higit 5,800 ang dengue cases sa lalawigan mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, mas mataas ng 451.4 percent kumpara sa 971 kaso sa kaparehong panahon noong 2023.
Ang dengue ay nakukuha mula sa infected na lamok o aedes aegypti na nangingitlog sa mga lugar na mayroong nakaimbak na tubig, at karaniwang dinadapuan ay mga bata at sanggol.
Ilan sa mga karaniwang sintomas nito ang pabalik-balik na lagnat, pagsakit ng ulo, rashes, at pananakit at panghihina ng katawan.
Paalala naman ng Department of Health ang pagsunod sa 5S strategy, na suyurin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok; sarili ay pangalagaan laban sa lamok; sumangguni sa pinakamalapit na pagamutan; suportahan ang pagpapausok kapag lamang may banta ng outbreak; at sustain hydration.
Una nang pinaalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang publiko na huwag balewalain sakaling magkaroon ng anuman sa mga sintomas ng dengue, at sa halip ay agad na magpakonsulta upang malapatan ng karampatang lunas.