10,380 total views
Humiling ng panalangin ang postulator ng Cause of Beatification and Canonization of Servant of God Laureana ‘Ka Luring’ Franco kasabay ng pagsisimula ng diocesan inquiry.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Dr. Erickson Javier, Doctor of Ministry nilinaw nitong walang takdang panahon ang sinusunod sa proseso ng pagiging banal ni Ka Luring sapagkat ito’y naaayon sa plano ng Diyos.
“Walang makapagsasabi kung ano po talaga ang exact roadmap, kung ano ang mangyayari, kung kailan sya maging venerable, it is really through God’s grace. Ang prosesong ito ang Diyos po talaga ang nagtatalaga kung sino yung kikilalanin nating mga banal, ehemplo natin sa pananampalataya,” bahagi ng pahayag ni Javier.
Ibinahagi ni Javier na ang pagsusulong sa proseso ng pagiging banal ng lay devout catechist ay bunsod ng mga paghihimok ng mga kapwa obispo at pari kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara nang pangunahan ang banal na misa sa paghatid sa huling hantungan ni Ka Luring noong 2011.
Bukod dito, ang pangangalap ng testimonya ng binuong grupo para sa natatanging gawain kung saan napatunayan na maging ang mga layko at kapwa katekista ni Ka Luring ay nagnanais na maisulong ang proseso tungo sa pagiging banal.
Ito ay bunsod sa mga halimbawang ipinamalas ni Ka Luring noong nabubuhay pa, ang pagiging tapat sa kanyang tungkulin bilang binyagan lalo na ang pagiging katekista na naghuhubog sa kabataan na malaking tulong para sa paglago ng pananampalataya ng mamamayan.
Gayundin ang masigasig na paglilingkod sa simbahan at sa mga mahihirap sa lipunan, maging ang patuloy na panalangin para sa mga pari at paghimok sa kabataang piliin ang bokasyon ng pagpapari.
Noong August 21 ay binuksan ng Diocese of Pasig ang diocesan inquiry kung saan binasa ni Javier ang Supplex Libellus na agad namang inaprubahan ni Bishop Vergara kasabay ng pagtatalaga ng tribunal mag-imbestiga at sisiyasat sa mga milagrong maaring maiuugnay kay Ka Luring na pag-aaralan ng Vatican.
Kasapi ng tribunal sina Fr. Daniel Estacio bilang Episcopal Delegate, Fr. Elpidio Geneta, JCL, Promoter of Justice, Fr. Joeffrey Brian Catuiran, JCL, Notary, at Fr. Rodifel De Leon, Assistant Notary.
Kinilala ang heroic virtues ni Ka Luring na ‘humble, obedient, charitable, friendly, compassionate, thoughtful, forgiving, prayerful, punctual, emphatic at simple.’
Si Ka Luring ay naging volunteer switchboard operator at clerk ng Philippine Airforce at kabilang sa kanyang misyon at apostolado ang pagiging katekista sa mga kabataan sa pampublikong paaralan, mga batang palaboy sa lansangan at sa mga mahihirap.
Siya rin ay naging Vocation Promoter, kasapi ng Apostleship of Prayer, Legion of Mary at kauna-unahang babaeng itinalagang Extra-ordinary minister of the Holy Communion ng Archdiocese of Manila.
Ginawaran din ito ng Pro Ecclesia et Pontifice noong 1990, Missio Canonica gayundin ang Forward Taguig Award at Mother Teresa Award dahil sa natatanging ambag nito sa pamayanan at pananampalatayang kristiyano.