6,368 total views
Umaapela ang toxic watchdog na BAN Toxics sa pamahalaan kaugnay ng maagang pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok sa mga pamilihan.
Ayon kay Thony Dizon, campaign and advocacy officer ng grupo, hinihikayat nila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na suportahan at ipag-utos sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na ipatupad sa mga kinasasakupan ang tuluyang pagbabawal sa paglikha, pagbebenta, at paggamit ng mga paputok.
Ito’y upang maiwasan at mapigilan ang mga naitatalang aksidente at matiyak ang kalusugan at kaligtasan lalo ng mga bata.
“We call on DILG Secretary Jonvic Remulla to support a “total ban” on firecrackers to reduce firecracker-related injuries in the country,” ayon kay Dizon.
Nananawagan din ang BAN Toxics sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng pagsusuri at kumpiskahin ang mga ilegal at ipinagbabawal na paputok, gayundin ang pinaigting na pagbabantay ng pulisya sa mga pamilihan.
Sa market monitoring, natukoy ng BAN Toxics ang Five Star at Piccolo na ibinebenta ng mga ambulant vendor Divisoria, Maynila, sa halagang P120 hanggang P200 kada pakete.
Kabilang ang mga nasabing paputok sa prohibited firecrackers sa ilalim ng Republic Act 7183 dahil sa pagiging pangunahing sanhi ng mga aksidente, lalo na sa mga bata, sa mga nakaraang taon.
Batay sa tala ng Department of Health noong 2023, umabot sa mahigit 600 ang kaso ng fire-cracker related injuries, o katumbas ng 98 porsyentong pagtaas mula sa mahigit 300 noong 2022.
“Children have the right to a safe and healthy environment; we must prioritize their needs and conditions and protect them from firecracker-related injuries and toxic chemical exposure,” saad ng grupo.
Patuloy ang panawagan ng simbahang katolika sa lahat ng sektor ng lipunan na magtulungang pangalagaan ang kapaligiran at sugpuin ang mapaminsalang nakasanayan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.