152 total views
Ito ang panawagan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usapin ng pagpapahinto sa kontraktuwalisasyon at pagbibigay ng tamang pasahod sa mga manggagawa.
Ayon kay Leody De Guzman, pangulo ng BMP, ito ang dahilan kaya’t sinuportahan ng sektor ng manggagawa si Pangulong Duterte noong halalan dahil sa mga pangakong makatutulong sa mga manggagawa.
“Ang panawagan ko kay Pangulong Duterte ay tuparin niya yung kaniyang pangako huwag siyang manloloko, huwag siyang sinungaling, nangako siya na dapat ang mga manggagawa ay maging regular hindi kontraktuwal, pinalakpakan siya ng mga manggagawa nagbunyi yung mga manggagawa noong Eleksyon tapos tatalikuran niya yung kaniyang pangako.”pahayag ni De Guzman sa Radio Veritas.
Dagdag pa ni De Guzman nararapat ding ipatupad ng Pamahalaan ang National Minimum Wage kung saan iisa ang batayan sa pagbibigay ng sahod sa mga manggagawa sa Bansa.
Batay sa ulat ng Department of Labor and Employment, 767 kumpanya ang sangkot sa Illegal Contracting or Sub-Contracting Schemes na labag sa karapatan ng mga manggagawa sa Security of Tenure kung saan tinatayang mahigit sa 200 – libong manggagawa ang Apektado.
Ang Illegal Contracting ay mahigpit na Ipinagbabawal sa section 2 ng inamiyendahang Article 106 ng Labor Code of the Philippines base na rin sa nilagdaan ni Pangulong Duterte na Executive Order no. 51.
Bukod dito, nanawagan din ang grupo na totohanin ng Pangulo ang pangakong labanan ang Korapsyon at dapat pananagutin ang mga tiwaling Opisyal ng bayan.
Sinabi ng grupo na hindi katanggap-tanggap ang tila pagre-recycle ng Pangulo sa mga tiwaling Opisyal na natanggal sa puwesto ngunit inilipat naman sa ibang Ahensya ng Pamahalaan.
Tiniyak ni ni De Guzman na kung magpapatuloy ang ipinapakitang pag-uugali ng pangulo, hindi nito pinaninindigan na siya ay pangulo ng masa kundi ito ay para sa mga kapitalista sa bansa.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, kinakailangan na sa bawat programa ng estado nakikinabang ang Mayorya tulad ng mga manggagawa na makatatanggap ng tamang Pasahod at Kaukulang serbisyo para sa pag-unlad ng bawat sarili at maging ng Lipunan.