41,778 total views
Hinihiling ng Protect Verde Island Passage na ang pag-asang hatid ng Pasko ng pagsilang ng Panginoon ay maging daan tungo sa patuloy na pagmamalasakit para sa inang kalikasan.
Ayon kay Protect VIP lead convenor Fr. Edwin Gariguez, ang diwa ng Pasko na pagbibigayan at pagmamahalan ay hindi lamang dapat manatili sa mga tao kun’di maging sa iba pang nilalang ng Diyos.
Tinukoy ng pari ang kalagayan ng Verde Island Passage na nahaharap sa panganib dulot ng mga mapaminsalang proyekto tulad ng fossil fuel industry.
“Tayo po sa ating Verde Island Passage ay nanganganib at tayo ay nahaharap sa maraming mga panganib. Kaya ang pagdating ni Hesus ay isang paalaala sa atin na ang Diyos ay nakikilakbay at naparito siya upang hindi tayo mapahamak kun’di upang maghatid ng buhay at ng kaligtasan,” mensahe ni Fr. Gariguez.
Tinaguriang ang VIP bilang “center of the center of marine shore fish biodiversity” dahil dito matatagpuan ang nasa halos 60-porsyento ng iba’t ibang marine species sa buong mundo.
Magugunita noong Pebrero 28, 2023 nang maganap ang oil spill matapos na tumaob sa karagatan ng Oriental Mindoro ang MT Princess Empress lulan ang 800-libong litrong langis.
Dalangin naman si Fr. Gariguez na sa pagdiriwang ng pagsilang sa manunubos ay makamtan ang katarungan habang patuloy na ipinagtatanggol ang nag-iisang tahanan laban sa tuluyang pagkasira.
Hinihiling din ng pari na hipuin ng Panginoon ang puso’t isipan ng malalaking kumpanya upang ihinto na ang mga mapaminsalang proyekto at sa halip ay maging kasangkapan sa pangangalaga sa kalikasan.
“Kaya sana ang diwa ng pasko ay patuloy na maging buhay para sa atin, lalo’t higit sa ating patuloy na pagtataya ng ating sarili para sa ating nanganganib na kalikasan. Sabi nga ni Papa Francisco ang ating pagtataya ng sarili para sagipin ang kalikasan ay isang makakristiyanong pananagutan,”




